Pagpapaliban sa 2022 elections, ‘pinaka-wise move’ na gawin —PACQ

Pagpapaliban sa 2022 elections, ‘pinaka-wise move’ na gawin —PACQ

IGINIIT ni Reverend Doctor  Pastor Apollo C. Quiboloy  ang mungkahi ng isang senador, sa pagpapaliban sa 2022 elections sa susunod na taon dahil sa banta ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.

Ayon ito sa Pulse Asia survey na binasa ni  Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa darating na eleksyon sa 2022.

Lumabas sa survey na maraming Pilipino ang hindi boboto kung mataas ang kaso ng virus.

“Kung mataas ang bilang ng COVID-19 sa inyong lugar o barangay sa araw ng eleksyon sa Mayo 2022 kayo po ba ang lalabas at boboto o hindi?” ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri.

“Ang sagot po ng nakakarami nating kababayan, 35% nagsabing Oo boboto sila. At ang 45% po Mr. President, let me repeat 46% Mr. President said no-hindi po. Hindi po kami lalabas ng bahay para bumoto halos kalahati po ng ating populasyon,”dagdag nito.

Ayon kay Zubiri, 57% ng mga botante sa NCR ang hindi boboto at 50% naman sa Luzon.

Nagpahayag ng suporta si Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ sa survey ni Senator Zubiri, sa kaniyang live Powerline program.

Ayon kay Pastor Apollo, matindi ang banta na dala ng Delta variant sa gagawing eleksyon sa 2022.

“So ang panukala ng isang ano sa survey nila na kung magbobotohan next at ganito kalala walang 50% ang boboto sa voting population. So maaari na hindi represented ang buong Pilipinas ng voting population for somebody to be in power. So kailangan i-cancel ang election, i-postpone at gawin nalang sa isang taon o sa susunod na taon pa,”ayon kay Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ayon kay Pastor Apollo, bukod sa maaagapan ang viral transmission sa mga election precinct ay maipagpapatuloy din ni Pangulong Duterte ang kanyang panunungkulan kung walang eleksyon sa susunod na taon.

“Which is very good! Para maipagpatuloy ng ating Pangulo ang kanyang panunungkulan para magawa 100% ang mga problema ng bansa maso-solve na at hindi tayo madedehado, maganda yun! Kaya itong war on drugs niya 70-80%, sinong nakagawa niyan?” dagdag nito.

Diin pa ng butihing Pastor, ipaubaya na lang muna ng mga Pinoy ang problema ng bansa kay Pangulong Duterte para sa kabutihan nating lahat.

‘’Kaya bilib ako sa panukala ng isa nating kaibigang Senador, siguro si Senator Zubiri to na i-cancel muna ang eleksyon. Which is a wise decision, wise move. Yung mga kating-kati na maging Presidente pasensya na kayo, hindi pa ninyo panahon at hindi ninyo kaya. Alam ninyo hindi magandang maging presidente sa mga panahong ito. Kaya ilagay na lang natin sa kamay ng ating Pangulo na sanay na sa mga pressure na ganito para kabutihan nating lahat,”ayon kay Pastor Apollo.

Bukod sa problemang dala ng pandemya, mabibigat na responsibilidad din ang sabay-sabay na pinapasan ngayon ni Pangulong Duterte.

Nariyan ang hamon kontra korupsiyon sa pamahalaan, laban kontra iligal na droga at krimen, laban kontra kahirapan at laban kontra CPP-NPA-NDF.

Sa ngayon ay may grupo nang gumagalaw para ipanawagan sa Kongreso at mismong kay Pangulong Duterte ang pagpapaliban sa 2022 elections dahil sa pandemya.

SMNI NEWS