NTC, iimbestigahan ang joint venture ng TV5-ABS-CBN

NTC, iimbestigahan ang joint venture ng TV5-ABS-CBN

KUMPIRMADO na ang sanib-pwersa ng ABS-CBN at TV5 nitong Miyerkules.

Dahil dito, may acquired shares na ang Lopez-led media company sa kumpanya ng business tycoon na si Manny Pangilinan.

Sa investment agreement ng dalawang kumpanya, 34.99% ng total voting and outstanding capital stock ng TV5 ang ibibigay sa ABS-CBN.

Ngunit para kay Congressman Rodante Marcoleta, isa sa mga nag-imbestiga noon sa ABS-CBN Franchise, dapat masilip ng pamahalaan ang deal.

“Ngayon, considering that these are two big media companies na magsasanib sa anumang kaparaanan titignan natin kung yung ganoong klaseng arrangement will prevent, restrict, or lessen competition. Importante kasi ‘yun. Dapat meron sigurong clearance, dapat ay madinig naman ang opinyon ng Philippine Competition Commission,” pahayag ni Marcoleta.

Bukod dito, hinimok din ni Marcoleta ang National Telecommunications Commission (NTC) na tignan kung may nalabag bang batas sa kasunduan.

“Dapat meron namang say ang NTC rito, ano bang nangyari sa mga naimbestigahan nating violations noong sila’y nag-aapply pa ng renewal ng prangkisa nila,” ayon kay Marcoleta.

Giit pa ni Marcoleta, maraming kasalanan ang ABS-CBN na hindi pa nasisingil ng gobyerno.

“Halimbawa yung wala silang permit for digital broadcast ay ilang araw silang nag-digital broadcast [at] wala silang permit to encrypt signal so ilang araw yung kundi taon? Yung violation ng kanilang cease and desist order kung ilang araw nilang viniolate. Yung failure to export ‘yung demo equipment noong sila ay papunta sa digital broadcast from analog. O papaano yung unauthorized sale ng kanilang ABS-CBN TV Plus nang walang CIS permission from NTC,” ani Marcoleta.

Kaisa naman sa pahayag ni Marcoleta ang NTC.

Sa panayam ng government radio kay NTC Commissioner Gamiliel Cordoba, giit nito na bubusisiin nila ang kasunduan ng dalawang network dahil sa mga naunang violations ng ABS-CBN.

“Ang NTC po is monitoring the development on the proposed joint venture of TV5 and ABS-CBN. Kailangan po natin itong busisiing mabuti dahil marami pong lumabas na violations ang ABS-CBN noon pong nakaraang pagdinig ng renewal ng kanilang franchise,” pahayag ni Cordoba.

Diin pa ng NTC, nagpalabas na sila ng memorandum circular para pagbawalan ang isang franchise holder tulad ng TV-5 na pumasok sa joint venture sa isang kumpanya na may atraso sa gobyerno.

Sa kaso ng ABS-CBN, giit ni Cordoba na dapat munang magkaroon ng clearance o kalinawan sa mga violation ng Kapamilya Network.

“Ang franchise grantee ay hindi po makikipag-enter ng commercial arrangement sa isang entity na may mga obligasyon po sa national and local government,” ayon kay Cordoba.

At higit sa lahat, pagtutulungang imbestigahan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kasunduan lalo na ang violations ng ABS-CBN.

“Ang iba hong ahensya ng gobyerno ay tutulong din po sa pagbusisi sa mga violations na ito na lumabas noong 18th Congress. Sakop po dito ang Department of Justice, Land Registration Authority. Nabanggit din po ni Congressman Marcoleta ang PCC at iba pa po,” ani Cordoba.

Sa tanong naman kung pinapaikutan ba ng ABS-CBN ang batas?

 “Actually ang nakikita ko po na parang dapat nating tignan is meron kasi silang mga violations so hindi po sila makakuha ng sariling prangkisa so ang ginagawa po nila sasakay po sila sa prangkisa ng TV5,” saad ni Cordoba.

“Pero hanggang ngayon po ay bitbit po nila ang kanilang mga violations,” dagdag ni Cordoba.

Follow SMNI News on Twitter