OFW Party-list at DMW, handang tumulong sa mga apektadong OFW ng air traffic system glitch

OFW Party-list at DMW, handang tumulong sa mga apektadong OFW ng air traffic system glitch

PATULOY na nakatutok ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, hinggil sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng air traffic system glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo.

Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na inatasan na ni Secretary Susan Ople ang mga Philippines Recruitment Agency (PRAs) and Licensed Manning Agencies (LMAs) para subaybayan at tulungan ang mga apektadong OFWs na na-aberya ng air traffic system.

Ipinag-uutos din ng kagawaran na tulungan ng mga naturang ahensya ang mga OFW na ipaliwanag sa kanilang principal at employer ang dahilan ng delay ng kanilang pagbabalik sa trabaho abroad.

Upang matiyak na ang trabaho ng mga manggagawa ay ligtas at hindi maaapektuhan.

Gayundin, ang mga PRA at CMA ay inaatasan na magsumite rin ng mga kinakailangang report sa mga apektadong manggagawa sa lalong madaling panahon.

Matatandaan, una nang naiulat ng DMW na mayroong 3,000 apektadong OFW sa kanilang flight dulot ng power failure ng Air Traffic Management Center (ATMC) na nangyari noong Linggo.

Binigyan din ng kagawaran ng food packs, tubig at hotel accommodation at transportasyon ang mga OFW na na-rebook ang kanilang flight.

Samantala, tiniyak naman ni OFW Party-list Representative Marissa del Mar Magsino na nakahanda ang kanilang tanggapan na tumulong sa mga apektadong OFW.

Ito’y dahil sa kabi-kabilang sumbong at reklamo mula sa mga OFW ang nakarating sa kanilang tanggapan dahil sa malaking abala at perwisyo ng ‘air traffic system glitch.’

Ayon sa opisyal, nakabantay ang OFW Party-list sa sitwasyong ito at sa mga hakbang kasalukuyang ginagawa ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasama na ang pagtatalaga ng mga hotline numbers na maaaring matawagan ng mga apektadong OFWs.

Inihayag din ng kongresista na susuporta rin ito sa mga panukalang hihimay sa nangyaring flight disruptions upang malaman ang puno’t dulo ng aberya at ang mga solusyong dapat ilapat upang hindi na ulit mangyari ang ganitong perwisyo, lalo na sa mga OFWs na pabalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhang bansa.

Maaari din makipag-ugnayan ang mga apektadong OFWs sa social media account (fb/OFWonefilipinosworldwidepartylist) para sa karagdagang tulong at mga impormasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter