INANUNSYO ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umabot na 60 overseas Filipino workers (OFWs) ang tinamaan ng COVID-19 sa Hong Kong at nakatanggap ang mga ito ng tulong mula sa pamahalaan.
Ayon sa ahensiya sa bilang na ito, 49 ang may asymptomatic na kasalukuyang naka-community isolation, siyam naman dito ay symptomatic na naka-admit sa hospital habang dalawa naman ay gumaling na.
Sa panayam ng Action Line Program ng DZAR nandigan si Labor Secretary Silvestre Bello III na totoo sa mga kababayan natin sa Hong Kong ang tinamaan ng COVID pero fake news naman ang balitang tinanggal sila ng kanilang employer dahil sa naturang sakit .
Sa kabila nito tiniyak naman ng kagawaran sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) nakahanda naman tumulong ito sa mga OFW na nagpositibo sa COVID.
Bukod dito tumanggap din ang bawat OFW na nagkasakit ng COVID-19 ng $200.
Ayon naman kay 1st nominee OFW Family Club and Party-list Roy Señeres, meron silang natanggap na ulat mula sa mga OFW na na terminate nga ng kanilang employer pero inaalam pa kung ilan sa kanila ang nakararanas ng ganito.
Dahil dito nanawagan si Señeres sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Hong Kong na hanapin ang mga OFW na tinanggal ng kanilang employer.
Gayunpaman nanindigan naman si Señeres na gaya ni Bello ay bawal pa rin sa batas ng Hong Kong ang mag-terminate ng kanilang mga empleyado ang mga employer .
Paliwanag ni Bello, sa ulat na natanggap merong OFW mula Hong Kong ang nasa airport na pauwi ng Pilipinas.
Nang sinailalim na sila ng COVID-19 test, nagpositibo pala ang ilan sa kanila kaya dinala sa ospital ang iba at ang iba naman ay dinala sa quarantine facilities.
Ang mga gumaling na OFW mula sa COVID ay nakabalik naman sa kanilang employer na hindi naman tapos ang kontrata.