SINABI ng Philippine consulate sa Hong Kong na tutulungan ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagpositibo sa COVID-19.
Siniguro ni Consul General Raly Tejada sa mga komunidad ng mga Pinoy doon na nangako na rin ang Hong Kong Labor Department sa kanilang opisina na nakahanda itong magbigay ng tamang pangangalaga sa mga manggagawang Pinoy na karamihan ay domestic helpers kung nahawa ang mga ito sa COVID-19.
Sinabi rin nito na nakikipag-usap na sila sa mga employer ng tatlo hanggang limang OFWs na tinanggal sa trabaho matapos na mahawa ng COVID-19 upang ipaalam sa mga ito na ang pagtanggal sa mga manggagawa dahil sa kanilang sakit ay iligal.
Nasa 5th wave na sa ngayon ang Hong Kong ng COVID-19 bunsod ng higit na mas nakahahawang Omicron variant.