Onion farmers sa Bongabon, Nueva Ecija, hindi natutuwa sa importasyon ng sibuyas ng DA

Onion farmers sa Bongabon, Nueva Ecija, hindi natutuwa sa importasyon ng sibuyas ng DA

IKINADISMAYA ng mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija ang pag-angkat ng pamahalaan ng sibuyas.

Nasa halos 6 na libong metriko toneladang imported na sibuyas ang nakatakdang dumating sa bansa sa mga susunod na araw.

Hindi man orihinal na 21 libo mahigit na metriko toneladang sibuyas ang aangkatin ng Pilipinas, ikinadismaya pa rin ito ng mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija.

Tinungo ng ilang opisyal at kinatawan ng Department of Agriculture (DA) ang tinaguriang onion capital ng Pilipinas, ang bayan ng Bongabon sa probinsya ng Nueva Ecija para alamin ang lagay ng taniman ng sibuyas sa lugar sa gitna ng mataas pa rin ng presyo nito sa mga merkado.

Apat na taon nang nagsasaka ng sibuyas si Mike Anthony dela Cruz.

Ayon kay Mike, dadaan sa matinding proseso at pag-aalaga ang ginagawa nila para matiyak na tutubo ang mga sibuyas at kikita sila mula rito.

Kayat ganito na lang ang hirap sa kanyang kalooban na ibenta lang ang kanilang aanihing sibuyas sa mababang halaga dahil sa mga imported na sibuyas.

“Halos wala kaming tulog. Times 8 ang hirap ng pagbebenta namin sa bagsakan bibilhin ang magandang presyo mo,” ayon kay Mike Anthony Dela Cruz, magsasaka ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija.

Ayon naman kay Daniel Alfaro, DA Consultant ng Bongabon Nueva Ecija LGU, na ipinag-aalala ng mga onion farmer ang pag-aangkat ng gobyerno ng sibuyas.

Matatandaang, inihayag ng DA na nasa halos 6 na libong metriko toneladang sibuyas ang nakatakdang dumating sa bansa nang hindi lalagpas sa Enero 27, 2023.

May hiling naman si Bongabon Nueva Ecija Mayor Ricardo Ilagan Padilla sa DA.

Ito ay ang huwag nang isabay ang importasyon ng sibuyas sa anihan.

Sa pagbisita naman ni DA Asec. Kristine Evangelista sa bayan ng Bongabon, sinabi nito na ginagawan nila ng paraan upang maibsan ang hirap ng mga magsasaka.

At isa na rito ay ang pagkakaroon ng storage facility.

Ngunit para kay Bongabon Mayor Padilla, dapat paramihin ang training at research institute ng sibuyas.

Dahil nakakatulong aniya ito upang mas mapalago ang onion industry hindi lang sa Bongabon kundi sa buong bansa.

Farm gate price ng sibuyas sa Bongabong Nueva Ecija, umaabot sa ₱120-200 kada kilo

Sa ngayon ayon kay Daniel Alfaro na naglalaro sa 120 – 200 pesos ang farm gate price, depende sa klase ng sibuyas sa Bongabon.

Sa kasalukuyan naglalaro mula 300 – 400 pesos ang kada kilo ng lokal na pulang sibuyas sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila habang nasa 250 – 400 pesos kada kilo naman sa mga puting sibuyas.

Ayon sa DA, kanila nang inaalam kung saan sa value chain ang may problema ng pagtaas nang husto ng halaga ng sibuyas sa merkado.

 

 

Follow SMNI News on Twitter