SINUSPINDE ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang 12 Private Emission Testing Centers (PETC) habang iniimbestigahan kaugnay sa umano’y pagpapalusot ng mga “non-appearance” na transaksyon.
Alinsunod sa direktiba ni LTO chief Assistant Secretary Jayart Tugade, inilunsad ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang serye ng operasyon laban sa mga emission testing center na inireklamong namemeke ng resulta ng pagsusuri ng mga sasakyang isasalang sa renewal ng rehistro.
Ayon kay IID Officer-In-Charge Renan Melintante, natukoy na ang mga larawan ng emission testing results na ina-upload ng 12 PETC sa image repository database server ng LTO ay pineke o sinadyang baguhin.
Nagpalabas na rin ang LTO ng show cause order para pagpaliwanagin ang mga IT provider ng 12 PETC kung bakit hindi dapat mabawi ang kanilang akreditasyon bunsod ng posibleng pakikipagsabwatan sa pamemeke. sinuspinde
Itinuturing ni LTO Chief Tugade na malinaw na panloloko sa gobyerno ang ginagawang pamemeke para sa “non-appearance” ng ilang nagpapa-renew ng rehistro ng sasakyan.