Operasyon ng ICC nanganganib na maparalisa dahil sa sanction na ipinataw ng U.S.

Operasyon ng ICC nanganganib na maparalisa dahil sa sanction na ipinataw ng U.S.

HUNYO 5, araw ng Huwebes, nang magpataw ang Amerika ng sanction sa apat na hurado ng International Criminal Court (ICC). Ito’y matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang ICC kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Defense Minister nito na si Yoav Gallant.

Isa rin sa inalmahan ng Amerika ay ang pag-iimbistiga ng ICC sa  umano’y war crimes ng Amerika sa bansang Afghanistan kahit hindi naman sila kasapi nito.

Ang mga hurado na pinatawan ng Amerika ng sanctions ay sina Solomy Balungi Bossa ng Uganda, Luz del Carmen Ibáñez Carranza ng Peru, Beti Hohler ng Slovenia, at ang hukom na namamahala sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Reine Adelaide Sophie Alapini Gansou.

Sa isang panayam sa SMNI News, sinabi ng isang beteranong mamamahayag na si Jay Sonza na nanganganib ang buong operasyon ng ICC matapos ang naging hakbang ng Estados Unidos.

Aniya, malaking dagok ito, lalo na’t ifi-freeze ang mga asset ng ICC sa Amerika. Pati pasahod ng mga husgado ay siguradong matatamaan ng nasabing kautusan ng nasabing bansa.

“Malaki ang epekto niyan kasi gawa ng kung hindi sila makakapag-transact ng pera o doon sa kanilang mga properties, ICC mismo in general, eh paano gagalaw ang korte.”

“It will cripple ICC for that matter. Darating ang panahon diyan sa malapit na hinaharap na, mismong pambayad nila ng kuryente, unless babayaran ng gobyerno ng Netherlands, eh wala na silang pambayad ng kuryente o pambayad ng tubig,” ayon kay Jay Sonza, Veteran Broadcaster.

Dagdag pa ni Jay Sonza, labis na ang panghihimasok ng ICC, kaya naman nagagalit na ang Estados Unidos sa kanila.

“Alam mo, bakit nagagalit ‘yung Amerika? Kumbaga parang, sino ba kayo para pakialaman kami na hindi naman kami sumang-ayon diyan? That’s the reason that we did not approve membership in the Roman Statute.” “Talagang abuso. At talagang umaabuso kayo, therefore you have to be sanctioned,” giit nito.

Samantala, hindi maikakaila ng lahat na malapit na magkaalyado ng administrasyong Marcos Jr. ang Amerika. Patunay na rito ang kaliwa’t kanang joint military exercise na isinasagawa, maging ang pagdagdag ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas.

 Pilipinas, may sasapitin kung ‘di tutugon sa panawagan ng Amerika—beteranong mamamahayag

Dahil dito, maaaring may sasapitin ang Pilipinas sa Amerika kung hindi ito tutugon sa panawagan nila na magpataw rin ng kaparehong parusa sa ICC.

“Kapagka ikaw ay allied, tapos pa-tumpik-tumpik ka, wala kang kwentang tao, wala kang kwentang bansa sa kanila. Gano’n ang Amerika.”

“‘Pag ‘di ka nila nagagamit o makikipagkaisa sa kanila, eh patay kang bata ka,” aniya pa

Binigyang-diin ni Sonza na kung susuportahan ng Pilipinas ang naging panawagan ng Amerika, ay hihina ang kaso laban kay dating Pangulong Duterte.

Matatandaan na nakipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa ginawang ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at sapilitang pinasakay sa eroplano para dalhin sa The Hague, Netherlands.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter