“PAHAMAK sa gobyerno.” Ito ang sagot ng dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman na si Greco Belgica hinggil sa pahayag ng isang opisyal ng Malakanyang na fake news o hindi totoo ang pagtaas ng krimen sa bansa.
Hamon niya rito, mas mainam na mag-resign nalang sa kaniyang puwesto si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Binigyang-diin ni Belgica na ang dapat aniyang gawin sana ng pamahalaan kung may mga ulat ng pagtaas ng krimen ay aksyonan ito at hindi pagtakpan gaya ng ginagawa ni Castro.
Matatandaang nagpalabas ng pahayag si Castro na hindi totoo ang mga pagtaas ng krimen sa bansa.
Naha-hype lamang aniya ito ng social media dahil kapag lumalabas naman aniya siya ay walang nangyayaring pananaksak o anong klaseng krimen.
Sinabi naman dito ni Belgica na hindi ang tagapagsalita ng Palasyo ang sukatan dahil mismong datos ang makapagsasabi na totoo ngang tumaas ang krimen sa bansa.
Magugunita na magkasalungat din ang pahayag ng dalawang matataas na opisyal ng Philippine National Police hinggil sa krimen sa bansa.