KASALUKUYANG nagsasagawa ang Office for Transportation Security (OTS) ng inspeksyon sa mga pangunahing transport terminals sa bansa bilang bahagi ng kanilang Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela 2025.
Kabilang sa mga tinungo ng OTS para mainspeksyon ay ang NorthPort Passenger Terminal, Zamboanga Airport Station, Five Star Bus Terminal, at ang LRT Line 2—mga lugar na inaasahang magkakaroon ng mataas na bilang ng mga pasaherong bumiyahe para sa pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral.
Kaakibat ito ng direktibang mabigyan ng maginhawa at ligtas na transportasyon ang bawat Pilipino.
Bilang gabay mula kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, patuloy ang pakikipagtulungan ng OTS sa iba’t ibang ahensya at transportation stakeholders upang matiyak ang ligtas at maayos na daloy ng transportasyon sa pagsisimula ng pasukan.
Samantala, binigyang-diin ni OTS Officer-in-Charge, Assistant Secretary Jose Briones Jr. ang kahalagahan ng maagap na aksyon upang matiyak na ang mga pasilidad sa transportasyon ay handa at kayang magbigay ng ligtas na biyahe sa gitna ng pagdami ng mga pasahero.