LUBOS na pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte ang ipinabatid na suporta sa kaniya ng karamihan.
Tugon ito ng pangalawang pangulo sa naging panawagan ni Sen. Bato dela Rosa sa publiko hinggil sa boluntaryong pagtutulungan para matiyak ang kaniyang seguridad.
Sa opisyal na pahayag ni VP Sara, sinabi nitong ramdam niya ang malasakit at pagmamahal ng mga tao para sa kaniya.
Sinabi naman nito na hindi dapat mag-alala sa kaniya at hindi rin kailangang magkaroon ng ambagan ng pera para sa kaniyang seguridad.
Aniya, ang pagtra-trabaho sa pamahalaan ay pag-alay ng buhay para sa bayan.
Tanging hiling niya lang ang kaligtasan para sa kaniyang pamilya at sinabing huwag sanang payagan ang anumang karahasan sa kaniyang ina, asawa at mga anak mapa-personal man o sa pamamagitan ng internet.
Binigyang-diin nito na hindi niya palalampasin ang sinumang gagawa ng kapahamakan laban sa kanila.
Maliban kay Sen. Bato ay pinasalamatan din ni VP Sara sina Sen. Bong Go, Sen. Robinhood Padilla, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), mga personnel ng Philippine National Police (PNP), mga kababaihan at lahat ng ordinaryong mamamayan.