P1.6-B legal fees mula sa kompensasyon sa Marcopper disaster, pinarerepaso sa SC

P1.6-B legal fees mula sa kompensasyon sa Marcopper disaster, pinarerepaso sa SC

Dumulog sa Korte Suprema si Marinduque Gov. Melencio Go at ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para pigilan ang pagsingil ng isang law firm ng hanggang P1.6-B legal fees.

Katumbas ito ng 25 porsiyento ng 100 milyong dolyar na settlement ng pamahalaang panlalawigan sa Barrick Mining Corporation kaugnay ng Marcopper mining disaster noong 1996.

“Naghahabol kami ng certiorari para mahinto ang pag-garnish nung 1.5 million pesos lawyers fee. Sa aming opinion sa probinsya ay sobra-sobra,” wika ni Gov. Melencio Go, Marinduque.

Sa liham kay Chief Justice Rodil Zalameda, hiniling ni Go na agarang aksiyunan ang kanilang nakabinbing petisyon.

Giit ng gobernador, labis ang naturang halaga gayong dalawang taon lamang aniyang nagsilbi ang mga abogado sa probinsiya at hindi umano dumaan sa tamang procurement process ang pagkuha sa kanilang serbisyo.

Una nang kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang karapatan ng SEDA Law Offices na singilin ang naturang halaga, dahil balido at makatwiran ang kanilang kasunduan.

“Unang-una ‘yong abogado na ‘yan ay dalawang taon lamang na nagtrabaho. Itong kaso na ipinaglaban noon ay ‘yon po ay finile ni Father Bernas. From 2010, 11, 12, 13, 14, 15, 16, 17, 18, 19, more than 11 years na. ‘Yong mga abogado na to, sa aming palagay ‘yong pagkapasok ng kanilang serbisyo ay wala sa lugar,” giit ni Go.

Ayon kay Go, nakatakda araw ng Huwebes na kaltasan ng nasa 800 milyong piso ang trust account ng probinsiya sa LandBank.

Pangangamba ng gobernador, malaking bahagi ng pondong dapat sana’y gamitin sa pagtugon sa pinsalang dulot ng kalamidad ang mapupunta lamang sa legal fees.

Follow SMNI NEWS in Twitter