Umabot sa 35,000 ang nagparehistro sa ika-15 OFW and Family Summit ng Villar Foundation sa Las Piñas City nitong Huwebes, na naglalayong tulungan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan sa Pilipinas upang makapiling ang kanilang pamilya.
Pinangunahan ang aktibidad nina dating Senador Cynthia Villar, Senador Mark Villar at Senadora Camille Villar.
Sa temang “Itaguyod ang Kabuhayang Pangmatagalan sa Sariling Bayan,” binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iimpok, pamumuhunan at pagnenegosyo.
“Usually ang unang gusto ng OFW, magkabahay. So ‘yon ang unang relationship namin sa kanila. Naghuhulog sila para pagbalik nila, meron na silang bahay na nabayaran na nila. And after a while, livelihood,” saad ni Former Sen. Cynthia Villar, Managing Director, Villar Foundation.
Pero habang nasa ibang bansa pa ang mga OFW, mismong mga kaanak na nila ang tinuturuan ng foundation kung paano makapagsisimula ng sariling pagkakakitaan.
Kabilang dito ang mga programang pangkabuhayan sa sektor ng agrikultura at pagpoproseso ng basura.
“Pero usually we start with their families, not with them, because they need the money that they earn abroad para i-maintain ‘yong family nila. So ‘yong mga family nila, tinuturuan namin ng livelihood. So, we have livelihood regarding processing of waste, and we have livelihood also regarding agriculture,” paliwanag nito.
Bahagi rin ng summit ang financial literacy forum kung saan tinalakay ang tamang paghawak ng pera, pag-iimpok, at pamumuhunan.
Ibinahagi rin ng ilang matagumpay na OFW entrepreneurs kung paano nila napalago ang kanilang mga naipon mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang makapagtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas.
Nakiisa rin ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang direktang matugunan ang mga katanungan at pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya.
“Naandito ang DOLE, naandito ang TESDA, naandito ‘yong migrant workers, naandito DFA. ‘Yong mga question nila tungkol sa mga policies ng gobyerno, masasagot,” aniya.
Ayon kay Villar, espesyal ang kanilang pagkilala sa mga OFW dahil kabilang ang mga ito sa mga unang sumuporta sa negosyo ng kanilang pamilya.
Sa loob ng 15 taon, patuloy na isinusulong ng foundation ang pagbibigay ng kaalaman at oportunidad sa mga itinuturing na modern-day heroes ng bansa.
