Muling nanawagan ng hustisya ang pamilya Bucol sa unang anibersaryo ng pagpaslang kay Kapitan Dodong Bucol Jr. ng Barangay Tres de Mayo, Digos City, Davao del Sur.
Dumalo ang mga kaanak, kaibigan, at tagasuporta sa paggunita sa unang anibersaryo ng pagpaslang sa dating kapitan.
Sa kabila ng isang taong paghihintay, patuloy na umaasa ang pamilya na uusad ang imbestigasyon at mapapanagot ang mga responsable sa krimen.
“Ako po ay nanawagan no, sa lahat ng government agency, PNP, SITG Bucol, at sa NBI, kung ano man ‘yong dapat nilang gawin para ma-solve ‘tong kaso ng kapatid ko kasi sa takbo ng investigation sa tingin ko kasi may hustisya talagang matatanggap si kapitan especially galing na ‘yon mismo sa bibig ng SITG,” ayon kay Karen Bucol, kapatid ni Kap. Dodong Bucol.
Ayon naman kay Kapitan Jerich Bucol, kapatid ng yumaong kapitan at pumalit sa kaniyang posisyon, hindi pa rin nila lubos maisip na isang taon na ang lumipas mula nang mangyari ang krimen.
Nagpasalamat din ang pamilya sa suportang natanggap nila mula kina Sen. Robin Padilla at Vice President Sara Duterte.
“Nagpapasalamat naman kami kay Sen. Robin Padilla kasi, noong una pa lang noong week pa lang ‘yong kapatid ko, dumadalo siya at nagbibigay ng suporta, advices kung ano ang gagawin pati si Ma’am Inday, kung ano ang mga gagawin kasi tatabunan lang talaga ng pera ngayon, kung maglalabas kami ng witness namin ganyan, parang matatabunan lang ng pera,” wika ni Jerich Bucol, Kapitan, Barangay Tres de Mayo.
Nakiisa rin sa paggunita ang political vlogger na si Paulo Canillo Te upang ipakita ang suporta sa pamilya Bucol.
‘It’s been a year no Vic, it’s been a year and I get to see the family asking for justice, I’m also here, because I can relate ba, I really can relate of the pain that the family suffering knowing that somebody who speaks the truth, was taken from us, so I couldn’t take it ba, I cannot show up and give support sa family that’s why I’m here,” ayon kay Paulo Canillo Te, Davao City Political Vlogger.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang pamilya sa mabagal na takbo ng imbestigasyon at patuloy na paghihintay sa hustisya.
Ayon kay Karen Bucol, nananatili ang alok nilang ₱5.5 milyon at isang ektaryang lupa bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga nasa likod ng pagpaslang sa kaniyang kapatid.
May nakatalaga ring pulis na nagbibigay ng seguridad sa pamilya.
Bilang bahagi ng paggunita, nagsagawa ng motorcade patungo sa memorial park kung saan inilibing si Kapitan Dodong. Idinaos din doon ang isang seremonya at programa bilang pag-alala sa kaniyang buhay, mga nagawa, at paglilingkod sa komunidad.
Naging emosyonal naman ang ama ng dating kapitan na si Oscar Bucol Sr. sa kaniyang mensahe, kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na maresolba na ang kaso.
“Ang anak ko sir, Chief PNP Nartatez, binaril ng live, tapos ako nagpunta doon sa bahay ng anak ko, ako nagdala sa ospital, tapos sir, walang pulis dumating doon, 40 minutes pa walang pulis dumating doon, ang mga tao pa ang dumating, Chief PNP, ang dami niyong accomplishment, believe ako sa inyo, pero ‘yong anak ko, wala pa, andiyan na sa kanila, andiyan na sa kanila, alam ko ‘yon,” dagdag ni Oscar Bucol Sr., Ama ni Kap. Dodong Bucol Jr.
Nagbigay rin ng mensahe ang anak na babae ni Kapitan Dodong, kasama ang abogado ng pamilya, mga kaibigan at iba pang tagasuporta na patuloy na nakikiisa sa kanilang paghahanap ng hustisya.
