Ikinadismaya ni Geopolitical Analyst Professor Anna Malindog-Uy ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) kaugnay ng habeas corpus petitions na inihain laban sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa botong 9-4, ibinasura ng Supreme Court ang consolidated petitions matapos ideklarang moot and academic ang mga ito dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.
Ayon sa High Court, hindi na maipatutupad ng mga lokal na korte ang writ of habeas corpus matapos mapasailalim sa kustodiya ng ICC si Duterte.
Nilinaw naman ng korte na hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte o walang nalabag sa kaniyang mga karapatan.
Gayunman, sinabi ni Malindog-Uy na technicality ang naging batayan sa pagbabasura ng mga petisyon.
“Nakaka-sad lang kasi para sa akin parang nangyari, naging based it on technicality kasi technicality ’yang nangyari na moot and academic ang mga petisyon daw ng ating dating pangulo,” ayon kay Prof. Anna Malindog-Uy, Geopolitical Analyst.
Binigyang-diin din ni Malindog-Uy ang umano’y paglabag sa fundamental rights ni Duterte, lalo na sa proseso ng pag-aresto sa kaniya.
“Ang pinaka-importante kasi diyan, ay ang fundamental rights ng ating former president na hindi na-respect during the time na naaresto siya at saka, hindi rin siya dumaan sa local courts…Dapat sila dinala sa ICC, kung may ICC warrant of arrest, e dapat nag-force through sa court na local court muna,” pagtatapos nito.
RELATED STORY:
VP Sara, Pulong, Leonen nagpahayag ng reaksiyon sa SC ruling sa kaso ni FPRRD
