P10-T halaga ng assets ng GOCCs, mahigpit na babantayan ng Government Commission

P10-T halaga ng assets ng GOCCs, mahigpit na babantayan ng Government Commission

PAPATAK sa P10 trilyong halaga ng assets ng Government Owned and Control Corporations (GOCCs) ang mahigpit na binabantayan ngayon ng Government Commission on GOCCs (GCG).

Sa meet and greet event nila sa media ngayong Biyernes, naglatag ng direksyon ang GCG sa pagtupad nila sa mandatong ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang komisyon ang may hawak sa regulasyon sa lahat ng GOCCs sa buong bansa.

Ang bagong chairman nito na si retired Sandiganbayan Associate Justice Alex Quiroz, emosyonal na ikinuwento ang marching order sa kanya ng Pangulo.

“And from the words of beloved president: “Tulungan natin ang ating bansa”. That’s the very word given to me by our president. Maraming-maraming salamat po,” ani retired Justice Alex Quiroz, Chairman, Governance Commission.

At kung gaano kalaki ang responsibilidad ng Government Commission sa kaban ng bayan?

P10 trillion na halaga lang naman ng total assets ng lahat ng GOCCs ang kanilang binabantayan.

 “The Governance Commission’s medium-term strategy under this administration is anti-corruption and integrity program. As a steward of the sector, we aim to safeguard its P10 trillion in total assets and prevent the dissipation and wastage of public funds arising from corruption,” dagdag ni Quiroz.

Kabilang sa assets na ito ang lahat ng gusali, sasakyan, properties gaya ng bahay at lupa maging lahat ng negosyong hawak ng GOCCs.

Halimbawa rito ang ang malaking GSIS building sa Pasay kung saan tenant ang Senado.

Lahat ng building at assets ng Clark Development Corporation sa Pampanga, Camp John Hay sa Baguio, Subic Bay Metropolitan Authority sa Zambales at iba pang malalaking GOCC.

Pati na ang lahat ng assets ng National Food Authority, Social Security System, Sugar Regulatory Administration, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at Civil Aviation Authority of the Philippines.

Sa kabuuan, aabot sa 157 na GOCCs ang hawak ng komisyon.

“Pinag-aaralan naming ng komisyon kasi akala nila audit audit lang eh. No no no, performance audit. Management audit, yang pinansyal that’s the normal pero hindi nila nakikita yung management audit. Diyan nagmumula ang mismanagement iho. Kaya kung sino man, I mean we are partners sa ikauunlad ng GOCC pero palagay ko basta’t nagkaroon ng hindi magandang pagmamanage o sabihin natin pagwawaldas okay o merong korupisyon whatever, eh lagot sila sa GCG hahabulin natin. Yan lang naman ang pinag-utos ng Presidente, paglingkuran ang bayan,” ayon pa kay Quiroz.

Bumuo na ang Governance Commission, ng anti-corruption and integrity program para waksiin ang anumang uri ng korupsiyon sa GOCCs.

Patuloy rin ang ugnayan nila sa mga ahensya ng gobyerno para gawing posible ang marching order ni Pangulong Marcos.

Muli namang inulit ni Quiroz ang babala laban sa GOCCs.

“Almost all naman well managed eh, kasi makikita mo yan sa resulta eh ng asset nila at yung kinita rin nila. What is alarming, kung malaki ang budget nila biglang magne-negative. Kunyari ito ngayon P10-B asset. The following year bakit naging P8-B or P5-B. What happened? Medyo we could start pero we will not assume kasi there could be some justifying eh,” aniya.

“Siyempre kami naman andito para tumulong sa GOCC. Ang masama baka mayroong intentional okay? Eh doon titignan nating mabuti. Uuriin natin kung sinasadya oh hindi sinasadya. Rest assured sa sambayanan, with that responsibility of P10 trillion, lagot sila,” ani Quiroz.

 

 

Follow SMNI News on Twitter