NAGBIGAY ng tulong ang 24 na miyembro ng Senado para sa mga biktima ng magnitude 7.8 earthquake sa Turkiye at Syria.
Sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri, humugot ng tig-P100,000 ang 23 Senador at P200,000 sa kanya.
Sinabi ni Zubiri ang kanilang donasyon ay ibibigay sa Red Crescent Society (RCS) ng Turkiye sa pamamagitan ng Philippine Red Cross (PRC), na pinamumunuan ni dating Sen. Richard Gordon.
Kaugnay nito, inaprubahan na sa Senado ang Senate Resolution No. 49 ni Sen. Raffy Tulfo, Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, Sen. Imee Marcos, Francis Tolentino at Lito Lapid na nagpapahayag ng pakikisimpatiya sa mga biktima ng lindol.
Ipa-dadala ang kopya ng resolusyon sa Turkiye at Syria sa pamamagitan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa dalawang bansa.
Nabatid na 47,244 na ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring lindol at libo-libo pa ang nangangailangan ng mga pagkain.