SP Zubiri, siniguro na hindi mamadaliin ng Senado ang MIF

SP Zubiri, siniguro na hindi mamadaliin ng Senado ang MIF

KINUMPIRMA ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa isang press briefing, araw ng Martes, na isang priority bill ang Maharlika Investment Fund (MIF), pero kanya naman ginarantiya na hihimayin ito nang mabuti ng Mataas na Kapulungan at bibigyan din ng sapat na oras ang lahat ng aspeto alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“He wants to make sure that the fund sources are there. He wants to make sure that the management team, are quality managers that will be chosen in very strictest way possible. He wants to make sure that there are safeguards in place so hindi ito pang one hearing lamang,” ayon kay Senate Pres. Juan Miguel Zubiri.

Kabilang aniya sa nais masiguro ng Pangulo ay ang pagkukuhanan ng pondo, kalidad ng bubuuing management team, at ang kasiguruhan na hindi ito papalpak.

“So hindi ito pang one hearing lamang. Hindi ito pang two hearings or three hearings. So I suggested to Sen. Mark that he should conduct weekly hearings all the way until the break and then he can probably craft a committee a reports before the break on the end of March,” dagdag nito.

Dahil sa mga nabanggit ng Pangulo ay naniniwala si Zubiri na kailangan ito ng lingguhang pagdinig sa Senado.

Ang mga pagdinig ay pangungunahan ni Senator Mark Villar, Chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies.

Kaugnay nito ay inilahad naman ni Zubiri na matapos ang briefing ng economic managers ng Pangulo, Lunes ng gabi ay marami sa mga senador ang nalinawan, pero kailangan pa rin ng pagdinig dahil sa ilang lumutang na isyu.

“Sabi nila we’ll be okay. So ang sabi ni Sec. Diokno, ang economy natin is a P19 trillion economy, so a P100 to P150 billion economic fund will not make a big enough dent to put us in recession,” ani Zubiri.

Kabilang dito ay ang kompetisyon sa pribadong sektor, at ang posibleng paglagapak ng Pilipinas sakaling papalpak ang MIF na aabot sa 100 – 150 billion pesos ang investment ng pamahalaan.

Samantala, tila umani na ng isang boto mula sa mga senador ang MIF.

Sa isang interview ay naghayag ng suporta si Senator Christopher “Bong” Go dito.

Ani Go, kung maganda naman ang layunin ng nasabing investment fund ay tiyak na ang kanyang boto para sa pagkakapasa ng panukala.

“Ako naman po ay, kung maganda naman po ang intensyon, kung masisiguro na magagamit ang pondo sa tama ay kami naman po sa Senado ay open naman po diyan. Isang boto lang po ako. At ako naman ay naniniwala na maganda ang intensyon ng administrasyon tungkol diyan ngunit suriin nating mabuti yung mga safeguards at magagamit yung pondo sa wasto,” saad ni Sen. Bong Go.

Araw ng Miyerkules, Pebrero 1 ay inaasahang gugulong na ang  pagdinig ng Senado sa Maharlika Investment Fund.

Follow SMNI NEWS in Twitter