Umabot sa mahigit P32.4 bilyon ang pagkalugi sa turismo o economic losses na naitala sa El Nido at Coron sa Palawan, at Siargao dahil sa pagbaba ng bilang ng mga turista.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), P7.6 bilyon ang nawalang economic activity sa El Nido, P10.61 bilyon sa Coron, at P14.2 bilyon sa Siargao.
Iniugnay ni Zubiri ang pagbaba ng turismo sa kawalan ng direktang flights mula Maynila matapos ilipat sa Clark ang turboprop operations mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Iminungkahi niyang maglaan ng tig-10 flight slots kada araw mula NAIA patungong Siargao, Coron at El Nido, at isaalang-alang din ang Sangley Airport sa Cavite.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na nangako si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na makikipag-usap sa bagong NAIA management upang maglaan ng flight slots para sa mga naturang tourist destination.
