Defense team ni FPRRD, nagsumite ng 63 ebidensiya sa ICC

Defense team ni FPRRD, nagsumite ng 63 ebidensiya sa ICC

Nagsumite ang legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 63 ebidensiya sa Office of the Prosecutor at mga kinatawan ng mga biktima sa International Criminal Court (ICC) bilang paghahanda sa kaniyang paglilitis.

Kabilang sa mga dokumento ang mga news article, opinion column, report, litrato, legal document, ordinansa, at 17 batas na nilagdaan ni Duterte noong kaniyang pagkapangulo.

Ilan sa mga batas na ito ang Universal Health Care Act, Mental Health Act, Free Irrigation Service Act, 4Ps Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act, at Malasakit Centers Act.

Kasama rin sa isinumite ang mga ordinansa ng Davao City tungkol sa kapakanan ng kababaihan at mga bata, healthcare, drug rehabilitation, anti-smoking policies at emergency response, gayundin ang mga ulat tungkol sa drug war at umano’y extrajudicial killings.

Sa pretrial brief, iginiit ng depensa na ang mga programa ni Duterte sa healthcare, edukasyon, at drug rehabilitation ay sumasalungat umano sa alegasyon ng prosekusyon na nagsagawa siya ng malawakang sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.

Gayunman, hindi tinukoy sa isinumiteng dokumento ang partikular na layunin ng bawat ebidensiya sa paglilitis.

Follow SMNI NEWS in Twitter