P4-B halaga ng shabu, natagpuang palutang-lutang sa mga baybayin ng Pangasinan

P4-B halaga ng shabu, natagpuang palutang-lutang sa mga baybayin ng Pangasinan

SA videong ito ng PDEA, makikita ang ilang mga mangingisda na isa-isang ibinababa ang sako-sakong ilegal na droga na kanilang natagpuan na palutang-lutang sa baybayin ng Bani, Pangasinan.

Isinuko ng mga mangingisda ang narekober na kontrabando na nagkakahalaga ng 1.8 bilyong piso, na nakasilid sa 267 plastic packs o katumbas ng 267 kilo, noong Huwebes, June 5, 2025.

Itinurn-over ng mga mangingisda ang kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at dito na tumambad ang napakaraming shabu na agad namang ginawan ng inventory.

Pero ayon sa mga awtoridad, hindi lamang isang beses nakatagpo ang mga mangingisda ng “floating shabu” sa karagatan ng Pangasinan.

Mula June 5 hanggang June 6, 2025, nakarekober ang mga mangingisda sa lalawigan ng kabuuang halos 600 (588) vacuum-sealed transparent plastic packs ng shabu na tumitimbang ng kulang-kulang 600 kilo (587 kilo), o katumbas ng halos 4 bilyong piso.

Ayon sa PDEA, natagpuan ng 29 mangingisda ang mga pakete ng shabu habang sila ay nangangisda sa mga baybayin ng Pangasinan.

Ang mga ito ay isinuko ng mga mangingisda sa mga awtoridad sa 19 na magkahiwalay na insidente sa mga barangay ng Dacap Sur, Bani; Boboy, Agno; at Luciente I, Balingasay, at Poblacion, lahat sa Bolinao, Pangasinan.

Pinasalamatan ng PDEA ang mga mangingisda sa kanilang katapangan at pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Agad naman daw ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ang mabilisang pagsunog ng mga nakumpiskang droga upang hindi na makapaminsala pa sa mga mamamayan.

Patuloy naman ang babala ng PDEA sa mga sindikato ng ilegal na droga dahil sa kanilang mahigpit na pagbabantay sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble