INAASAHAN na raratipikahan ngayong araw ng Kongreso ang panukalang P5.768-T badyet ng Pilipinas para sa taong 2024 ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Mamayang alas diyes ng umaga ay magpupulong ang bicameral panel sa Makati City upang tapusin ang pambansang badyet, na inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa noong Nobyembre 28.
Sa loob ng bicameral conference, aayusin ng mga mambabatas mula sa Senado at House of Representatives ang mga disagreeing provisions sa kanilang mga bersiyon.
Kapag naayos na, ira-ratify o pagtitibayin ang pinal na bersiyon at ipadadala ito sa Malacañang para suriin at mapirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bago maging batas.
Inaasahan naman na pipirmahan ng Pangulo ang badyet para sa 2024 bago bumiyahe papuntang Japan para sa ASEAN-Japan Friendship and Cooperation Commemorative summit na mag-uumpisa sa Disyembre 16.
Ang panukalang badyet para sa 2024 ay mas mataas ng 9.5 percent pagtaas mula sa 2023 national budget.