P7.5-B nawalang kita ng gobyerno dahil sa hindi tamang pagdeklara ng dami ng bigas na pinapasok sa bansa—agri group

P7.5-B nawalang kita ng gobyerno dahil sa hindi tamang pagdeklara ng dami ng bigas na pinapasok sa bansa—agri group

NAGLABAS ng hinaing ang grupong Federation of Free Farmers (FFF) dahil sa nangyayaring dayaan sa pagitan ng Bureau of Custom (BOC) at mga rice importer.

Sinabi ni Raul Montemayor, National Chairman ng grupo, hindi tamang naidedeklara ng mga rice importer ang dami ng bigas na pinapasok sa bansa.

Napansin ng grupo na tila bumaba ang ibinabayad na taripa sa kada kilo ng bigas na inaangkat ng mga importer.

Halimbawa aniya rito ang biniling bigas ng mga importer sa Vietnam na nagkakahalaga pala ng $100 kada metriko tonelada ngunit pagpasok sa bansa ay dineklara lang sa halagang $50.

“Dapat niyan ang BOC ay kinu-kuwestiyon na kaagad ‘yan paano naging 50 ‘yan 100 ang monitor namin. Ang nangyayari ay tila pinapabayaan nila so ang binabayaran ng importer doon sa dineklarang value na mas mababa. Ang nangyayari ina-undervalue ang nawala sa atin noong 2023 ay P7.5-B na taripa sana,” ayon kay Raul Montemayor, National Manager, FFF.

Ang tamang taripa sa kada kilo ng bigas ay nagkakahalaga ng P30.78/kg, pero nasa P24.12/kg lamang ang ibinabayad na buwis ng importers.

Nababahala ang grupo na posibleng lumobo pa ang mawawalang kita sa gobyerno kung hindi ito tutuldukan ng pamahalaan.

“It’s a billion-peso question, may mga kumikita diyan. Unang-una nakakatipid ‘yung importer dahil binababaan na ‘yung declared value imbes na magbayad siya ng tamang buwis. Mayroon ding taga Bureau of Customs alam naman nila ang ginagawa ng importer na nangdadaya pero pikit mata sila dahil mayroon sigurong kapalit ‘yun,” ani Montemayor.

Umapela si Montemayor na makialam ang Department of Agriculture (DA) hinggil dito lalo’t makatutulong ang nakukuhang buwis upang ilagay sa programa na sumusuporta sa mga magsasaka.

“In the past parang walang pakialam ang DA, ‘yun din ang isang hinanakit namin why does it have make us from the private sector to try to fix this things. Sana man lang tulungan kami ng DA makipag-arrange sa BOC kasi makatutulong rin ito sa DA dahil ‘yung pondo na malilikom sa tariff na ‘yan ay puwedeng idagdag sa budget sa DA sa pagtulong sa mga magsasaka,” paliwanag pa nito.

Higit 2,600 magsasaka sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula, apektado na ng El Niño—DA

Samantala, hamon pa rin sa sektor ng agrikultura ang epekto ng El Niño partikular na sa palay.

Sa pinakabagong datos ng DA, umabot na sa 2,602 na mga magsasaka sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang apektado rito.

Higit 2,100 ektarya ng pananim na palay na ang napinsala o higit 4,700 metriko tonelada na palay na nagkakahalaga ng higit P100-M.

Ilang mga sakahan sa Central Luzon ang hindi na napapatubigan ng NIA kasabay ng epekto ng El Niño 

Aminado rin ang National Irrigation Administration (NIA) na 20% ng mga pananim sa Central Luzon ang hindi na napapatubigan.

Paliwanag ni NIA Administrator Engineer Eddie Guillen, hindi sapat ang suplay ng tubig mula sa Pantabangan Dam papunta sa pinakadulong irigasyon.

“Pero, October pa ay kinakausap na natin ang ating mga farmer diyan na alam namin na tatamaan para maghigh value crops. So, ‘yun ang ginawa ng karamihan, kami ay nandiyan para umalalay sa kanila,” paliwanag ni Engr. Eddie Guillen, Administrator, NIA.

Sa kabuuang 90,000 ektarya ng pananim na palay sa Central Luzon, tanging 25,000 ektarya lamang ang napapatubigan.

Suplay ng bigas sa bansa, sasapat pa sa kabila ng kinakaharap na hamon kasabay ng El Niño—DA

Pero, sa kabila ng hamon sa sektor, sinabi ng Agriculture Department na kayang-kaya pa ring maabot ang 20 milyong metriko tonelada na produksiyon ng palay ngayong taon.

Ito ay dahil na rin sa ginagamit na inbred seeds na ginagamit ng mga magsasaka na nabubuhay sa panahon ng tag-init.

Sinabi ni Asec. Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA, naabot na rin ito noong nakaraang taon kung saan nakapagtala ng mas mataas na produksiyon sa palay.

“’Yung record ng 2023 officially as per the Philippine Statistics Authority umabot ng 20.06 million metric tons ang production natin for palay,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

“So, ibig-sabihin, ‘yung production natin last year plus ‘yung import na 3.6 million metric tons plus ‘yung dumarating na imports pa ngayong January hanggang March in time for the next planting season. We have a stable and healthy na stock ng bigas sa bansa,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble