P9.6-B halaga ng ilegal na droga na nasabat sa Batangas, nai-turn over na sa PDEA

P9.6-B halaga ng ilegal na droga na nasabat sa Batangas, nai-turn over na sa PDEA

NAI-TURN over na ng Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) national headquarters ang malaking bulto ng ilegal na droga na nasabat sa Batangas nitong Lunes Abril 15, 2024.

Batay sa official progress report ng Batangas Provincial Police Office, natapos na ang kanilang imbentaryo sa mahigit 1.4 tonelada ng shabu o katumbas ito ng P9.6-B, taliwas ito sa naunang tantiya ng mga awtoridad na dalawang tonelada o katumbas ng mahigit P13-B.

Bukod sa mga droga, kasama rin sa nai-turn over ang non-drug na mga ebidensiya gaya ng bag, cellphone, 100 piraso ng tig-isang libo, ID, trapal, at ilang dokumento ng sasakyang ginamit ng suspek sa pagdadala ng nasabing droga.

Alas 1:38 ng madaling araw ng Abril 17, 2024 nang maihatid sa tanggapan ng PDEA sa Quezon City ang nasabing mga droga.

Matatandaang, personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lugar ng imbentaryo sa Batangas para saksihan ang malaking huli na ito ng PNP.

Samantala, sinisilip na ngayon ng PNP ang posibilidad na galing sa ibang bansa ang nasabat na higit isang toneladang shabu sa Batangas na may street value na halos P10-B.

Yate na posibleng ginamit sa paghahatid ng halos 2 toneladang shabu sa Batangas, natukoy na ng PNP

Sa inisyal na impormasyon ng PNP, posibleng gumamit ng yate ang mga suspek bago ito dalhin sa mga potensiyal na lugar na pagbabagsakan ng droga kung saan dito na nasakote.

Natukoy ang yate sa Nasugbu, Batangas.

“There are reports being validated by the investigator. Possibly may ginamit po na yate para po makuha lang ang mga illegal drugs na ito,” saad ni Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Pero ayon sa PNP, hindi rin nila isinasantabi na posibleng international syndicate ang nasa likod ng malaking bulto ng droga na ito ngunit patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad sa gitna ng kanilang isinasagawang follow up operation.

“Isa sa mga tinitingnan natin na itong pumapasok na illegal drug. Hindi naman palagi na tayo ang intended user,” ayon pa kay Fajardo.

Suspek ng halos 2 toneladang shabu, kinasuhan na ng PNP

Batay sa pinakahuling impormasyon ng PNP, sinampahan na ng kasong “transportation of illegal drugs” ng PNP si Al Michael Zarate sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang pinaghahanap ang iba pang mga posibleng kasabwat nito.

Hinihintay na lamang sa ngayon ang schedule ng pagsira sa mga ilegal na droga oras na matanggap na ng PDEA ang court order dito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble