PACC, pumasok na rin sa umano’y multi-milyong anomalya sa TUPAD program ng DOLE

PACC, pumasok na rin sa umano’y multi-milyong anomalya sa TUPAD program ng DOLE

UNTI-unti  nang umuusad ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa multi-milyong anomalya ng TUPAD program nito sa District 2 sa Quezon City.

Kaugnay nito, pumasok na rin ang Presidential Anti Corruption Commission (PACC) para imbestigahan ang nasabing kontrobersiya.

Bukod sa mga abogado ng DOLE, pumasok  na rin ang abogado ng PACC upang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa multi milyong anomalya sa TUPAD program ng DOLE.

Ayon kay Atty. Baldir Bringas ng PACC, tatapusin muna nitong pag-aralan ang mga isinumite at isusumite pang mga sworn statement ng diumano’y biktima ng maanomalyang distribusyon at pagkaltas ng ayuda para sa mga benepisyaryo ng TUPAD program.

Sa kabilang banda, bukas ang kampo ng mag-asawang Congw. Precious at Councilor Winnie Castelo ang isinasagawang imbestigasyon ng DOLE at PACC tungkol sa umano’y maanomalyang distribusyon ng ayuda mula sa DOLE TUPAD program.

Ayon kay Atty. Joeboy Blando ang legal counsel ng mga Castelo, pabor sila sa hakbang na ito ng DOLE at PACC para mabatid ang katotohanan sa likod ng alegasyong kinakaltasan ang perang dapat ay para sa mga benepisyaryo.

Giit ng kampo ng mga Castelo, handa silang makipagtulungan sa mga kinauukulan.

Nabatid na dalawa na sa mga staff ng mga Castelo ang tinanggal sa trabaho habang isinasagawa ang kanilang sariling imbestigasyon.

Pagtitiyak pa ng abugado, hindi kinukunsinti ng mga Castelo ang anumang uri ng anomalya lalo pa’t tulong ito sa mga residenteng labis na naapektuhan dahil sa pandemya.

Bukod sa pagtanggal sa trabaho ay hindi mangingiming magsampa rin ng kaukulang kaso ang mag-asawang Castelo laban sa sinumang empleyado na mapatutunayang sangkot sa iregularidad.

Itinuro ng mga nag­rereklamo na pawang coordinator at staff  umano ng mag-asawang sina  dating Congressman at ngayon ay Konsehal Winnie Castelo at misis nitong si Congresswoman Precious Hipolito-Castelo ang nasa likod umano ng pagkaltas ng kanilang suweldo o ayuda.

Ayon kay Barangay Holy Spirit, Chito Valmocina, nasa 750 katao pa ang lumapit sa kanya at nagsabing handang magbigay ng kanilang affidavit para patotohanan ang alingasngas.

Nauna nang pinaniniwalaan ni Valmocina na may alam ang mag-asawang Castelo sa pagkaltas sa dapat sana ay suweldo ng mga benepisyaryo simula pa noong 2015.

BASAHIN: TUPAD program sa 3 distrito ng Quezon City, pansamantalang ititigil—DOLE

SMNI NEWS