Pag-apruba ng P8.7-T infra flagship projects, kabilang sa ipinagmalaking accomplishments ng NEDA noong 2023

Pag-apruba ng P8.7-T infra flagship projects, kabilang sa ipinagmalaking accomplishments ng NEDA noong 2023

INIHAYAG ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang taong 2023 ay isang taon ng pagsusumikap at dedikasyon habang nagpupursige ang ahensiya tungo sa isang “Matatag, Maginhawa, at Panatag na Buhay para sa Lahat”.

Ibinida ng ahensiya na 12 beses na nakapagpulong ang NEDA Board noong 2023 — ang pinakamataas na bilang sa mga nagdaang taon, upang mabilis na aprubahan at i-endorso ang mga kritikal na proyektong pang-imprastraktura, mga plano, at mga hakbang.

Kaugnay rito, nagbigay ng katiyakan ang NEDA sa mamamayan na ang aktibong dedikasyon nito sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino ay mananatiling matatag sa mga darating na taon.

Kabilang sa mga inisyatiba nito ang patuloy na pagpapatupad ng gobyerno ng mga napapanahong estratehiya upang pangasiwaan ang mga presyo ng food commodity, protektahan ang purchasing power ng mga pamilyang Pilipino, at suportahan ang pinakamahinang sektor sa pamamagitan ng targeted subsidies.

Ayon sa NEDA, ang patuloy na pagpapatupad ng Executive Order 10 ay may malaking epekto sa pamamahala ng food inflation sa pamamagitan ng pagbabawas ng most favored nation (MFN) tariff rates para sa mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, baboy at mais.

Nakatulong din ang pagsususpinde sa pangongolekta ng pass-through fee na bawasan ang gastos sa pagdadala ng mga kalakal sa buong bansa.

Nakikitang nagpapataas naman ng produktibidad sa agrikultura ang tumaas na alokasyon para sa research and development (R&D) for agriculture, forestry and fisheries (AFF).

Tinulungan naman ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang mga Pilipinong magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang ani para sa tatlong quarter ng 2023.

At upang pamahalaan ang inflation, sinabi ng NEDA na itinatag ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook para magbigay ng napapanahon at nauugnay na policy advise sa inflation.

Kaugnay ng pagpapaunlad ng imprastraktura, inaprubahan ng NEDA Board ang kabuuang 197 infrastructure flagship projects (IFPS) na nagkakahalaga ng P8.7-T noong 2023.

Ito ay bahagi ng Build Better More infrastructure program ng administrasyon.

Sa pamamagitan ng mabuting pangangasiwa, sinabi ng NEDA na gumawa ang administrasyon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Base anito sa pinakahuling labor statistics, lumalabas na ang unemployment at underemployment ay bumaba sa 4.2 porsiyento at 11.7 porsiyento noong Oktubre 2023.

Noong 2023, gumanap din ang NEDA ng aktibong papel sa paglulunsad at pagpasa ng ilang mga reporma at estratehiya sa regulasyon upang higit pang isulong ang ekonomiya tungo sa inklusibo at napapanatiling paglago.

Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang Philippine Development Plan 2023-2028 at ang National Innovation Agenda and Strategy Document para sa 2023-2032, ang partisipasyon ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) trade agreement, ang pagpapalabas ng IRR for the Amendments to the Public Service Act at ang Digital Workforce Competitiveness Act at ang pagsasabatas ng public-private partnership code.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble