DAGDAG-problema at gastos para sa mga estudyante sa kolehiyo ang pagkuha ng medical health insurance para makalahok sa face to face classes.
Ito ang inihayag ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go sa isang interview kahapon.
Ayon kay Sen. Go, di dapat pinapahirapan ang mga estudyante na makabalik sa face to face classes kasunod ng pagre-require ng health insurance ng mga paaralan.
“Huwag na nating pahirapan pa ang mga kababayan natin sa pagbalik sa pag-aaral. Hirap na nga ‘yung mga kababayan natin dito sa ating transition sa noong naging distance learning tayo tapos ngayon pagbabalik naman sa face-to-face learning, mahirapan na naman ang mga kababayan natin. Huwag na nating pahihirapan pa mga kababayan,” pahayag ni Go.
Sinabi pa ng senador, bakuna ang mahalagang insurance sa ngayon para sa mga mag-aaral dahil nagpapatuloy pa ang banta ng COVID-19 sa bansa.
“Pag bakunado ka mas insured ka, not only sa papel but ‘yung kalusugan mo mas more insured ka na hindi ka mahahawa o magkasakit o mamamatay,” ani Go.
Panawagan pa nito sa mga paaralan, tiyaking bakunado ang mga estudyante bago isabak sa physical classes.
At pakiusap naman ni Go sa publiko na magpabakuna dahil ito lamang umano ang tanging susi, solusyon, at insurance upang hindi mahawaan ng mas nakahahawa at nakamamatay na virus.
Kamakailan ay naging mainit ang usapin matapos ang pag-atas ng Commission on Higher Education (CHED) at Inter-Agency Task Force sa mga mag-aaral na lalahok sa in-person classes na magpakita ng medical insurance at iba pang dokumento.
Kung saan, unang umapela si Sen. Nancy Binay sa dalawang ahensya na gawing simple ang requirements na hinihingi sa mga estudyante.
Gaya ng pagpapakita ng vaccination card sa halip na health insurance.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Commission on Education hinggil sa mga panawagan ng mga senador kaugnay sa health insurance.