NASUNOG ang isang pagawaan ng paleta sa Primo Rivera Cor. Yague St., Brgy. Singkamas sa lungsod ng Makati, Biyernes ng hapon, Pebrero 10.
Ayon kay BFP Makati Supt. Anthony Arroyo, pasado alas kwatro ng hapon nang masunog ang naturang warehouse na pagmamay-ari ng Wemka Trading.
Nasa 2,000 square meters ang naturang warehouse na mabilis na tinupok ng apoy dahil sa light materials.
5:41 pm naman nang maideklarang fire under control ang nasusunog na warehouse.
Hindi pa matukoy ng BFP Makati ang sanhi ng sunog, pero ayon sa isang empleyadong nakasaksi, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng naturang warehouse.
Sa inisyal na imbestigasyon, nasa 4 na bahay ang natupok ng sunog na nasa mismong compound ng warehouse.
Iba pa rito ang 13 magagarang kotse na nadamay rin sa sunog.
Sinabi pa ni Arroyo, isang empleyado naman ang nagtamo ng second degree burn matapos itong bumalik sa nasusunog na lugar.
Umabot sa 50 fire truck mula sa iba’t ibang lungsod ang nagtulung-tulong para maapula ang apoy.