TILA hindi makatao at anti poor ang pagbabawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorcycle riders na sumilong sa mga tulay tuwing umuulan at pagmultahin sila.
Ito ang sinabi ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez sa isang artikulo sa isang pahayagan.
Ayon kay Gutierrez, hindi nila tinututulan ang intensiyon ng MMDA ngunit sana ay plantsahin muna nang mabuti ang nasabing kautusan para hindi magmukhang kawawa ang mga motorcycle rider.
Pagbabawal sa motorcycle riders na magkumpulan sa tulay tuwing umuulan, hindi isang diskriminasyon—MMDA
Sa panig naman ng MMDA, nais nilang ituwid ang naging pahayag ni Gutierrez hinggil sa nasabing kautusan.
Ayon kay MMDA acting Chairman Romando Artes, maling sabihin na ang hakbang ng MMDA ay isang diskriminasyon laban sa mga motorcycle rider.
Aniya, hangad lamang ng ahensiya ang kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo.
Ito’y para maibsan na rin ang nararanasang traffic sa mga pangunahing daanan sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Artes na hindi tama aniya na ang isang mambabatas mismo ang naghihikayat sa publiko na suwayin ang batas.
“Sa aking pagkakaalam, ang trabaho ng kongresista ay lumikha ng batas para sundin ng mamamayan. Hindi tama na ang isang mambabatas mismo ang naghihikayat sa publiko na suwayin ang batas,” ayon kay Atty. Romando Artes, acting Chairman MMDA.
Plano ng MMDA na patawan ng multang P500 para sa kasong obstruction ang mga motorcycle rider na nagkukumpulan sa mga tulay tuwing umuulan.
Pero bago ito ipatupad ani Artes, makikipag-ugnayan muna sila sa mga gasoline station para sa pagpapatayo ng designated shelters o tents para sa mga rider.
Magdadagdag din ang MMDA ng mga motorcycle emergency lay-by sa ilalim ng mga flyover sa bahagi ng EDSA.