Pagbabawal sa overnight stay sa mga sementeryo tuwing Undas, rekomendado ng PNP

Pagbabawal sa overnight stay sa mga sementeryo tuwing Undas, rekomendado ng PNP

PABOR ang Philippine National Police (PNP) sa mungkahing bawasan ang visiting hours sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bansa.

Layon nitong maiwasan na may maitalang karahasan o krimen tuwing panahon ng Undas partikular na sa gabi.

Sa panayam ng media kay PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. na wala aniya siyang nakikitang masama rito, sa katunayan malaking tulong ito sa crime prevention program ng kanilang hanay.

Sa katunayan, karamihan anila sa mga sementeryo sa bansa lalo na sa Metro Manila ay istrikto itong naipatupad bilang tugon na mapapababa o kung hindi man ay walang maitatalang gulo sa buong panahon ng Undas.

“Sa nangyari nga po na rekomendasyon na huwag na nga pong payagan ‘yung mga overnight po sa mga sementeryo, except lamang po sa Manila North Cemetery na inabot ng alas sais ng gabi para lamang ma-accommodate ‘yung iba, ‘yung ibang sementeryo ho ay tinapos na lamang po ‘yung mga natitira po sa loob at hindi na po pinayagan na mag-overnight kasi para na rin po ito sa kaligtasan at security ng mga kababayan po natin kasi mahirap na po mag- overnight doon kasi hindi naman natin talaga masi-secure ‘yung kabuuan po ng lahat ng sementeryo. So, pabor po ang PNP dito,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Acting Chief, PNP-PIO.

Ngayong taon, ikinatuwa mismo ng PNP ang mapayapang paggunita ng Undas matapos na maitala ang zero incident partikular na sa mga malalaking sementeryo sa buong bansa kasama na ang Manila North at South Cemetery.

“May mga na-monitor tayo, na even sa mga probinsiya ay hindi na rin po nila pinayagan ‘yung mga mago-overnight po dahil bilang consultation na rin po ito sa PNP at iba pang public officials na mas minabuti po na hindi na payagan pa na mag-overnight kasi mayroon naman pong kinabukasan na pupwede naman po silang bumisita pa doon sa mga namayapa po nilang mahal sa buhay,” dagdag ni Fajardo.

Sa kabila ng pagdagsa ng maraming tao, napanatili pa rin anila ang maayos na sistema sa loob at labas ng mga sementeryo.

“So far, ‘yung kahapon po natin na monitoring po ng Undas, over all naging generally peaceful naman po, wala naman po tayong naitala na anumang major incident,” ani Fajardo.

Ayon sa PNP, naging madali ang implementasyon ng seguridad sa lahat ng sementeryo dahil sa nagpapatuloy na presensiya ng kapulisan sa ilalim ng pinaigting na alerto nito simula pa noong panahon ng halalan.

“Ang isa sa mga naka-contribute po dito sa mapayapang observance po natin ay ‘yung cooperation na rin po at tulong ng ating mga kababayan dahil sila rin po ay sumunod doon po sa ating patakaran,” ayon pa kay Fajardo.

“At siyempre po ‘yung deployment po ng PNP, kasama po natin ‘yung ating Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at napakarami pong Force Multipliers na nakatulong po sa ating nang malaki,” aniya.

Para sa mga hahabol sa ikalawang araw ng Undas, patuloy ang paalala ng pulisya sa lahat na maging mapanuri sa paligid at sundin ang mga ipinagbabawal sa loob ng sementeryo.

Hinimok din nito ang mga tao na huwag iwanang nakabukas o walang bantay ang bahay habang bumibisita sa mga puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Follow SMNI NEWS on Twitter