INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Health (DOH) ang ulat na ilang indibidwal na ang nakatanggap ng booster shots ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy ang kanilang pag-iimbestiga kung saan galing ang mga bakunang ginamit, dahil hindi aniya ito inirerekomenda ng ahensya.
Binalaan din ni Vergeire ang mga medical worker na mapaparusahan ang mga ito kung mapatunayan na ang bakunang kanilang ginamit ay mula sa vaccination site.
Matatandaang lumabas ang balitang nabakunahan ng apat na beses kontra COVID-19 si San Juan City Rep. Ronaldo Zamora.
Ayon sa mambabatas, pinayuhan siya ng kanyang mga doktor na magpaturok ng COVID-19 booster shots ng Pfizer-BionTech dahil siya ay “immunodeficient” at ang ginamit niyang bakuna ay ibinenta lamang sa kanya.
Pinakamababang aktibong kaso sa bansa, naitala makalipas ang apat na buwan
Nadagdagan pa ng 3,806 ang bilang ng kaso COVID-19 sa bansa.
Dahil dito umakyat na sa higit 1,485,000 ang kabuung kaso ng sakit at mayroong higit 44,000 ang aktibong kaso.
Base sa tala ng DOH, umabot na sa higit 1,414,000 ang gumaling sa mga nagpositibo matapos madagdagan ng 6,296 na nakarekober sa sakit.
Samantala, pumalo na sa 26,232 ang namatay matapos maitala ang karagdagang 140 na nasawi dahil sa virus.