Pagbubukas ng 6 na medical programs, ibinida ng CHED sa Malacañang

Pagbubukas ng 6 na medical programs, ibinida ng CHED sa Malacañang

IBINIDA ng Commission on Higher Education (CHED) sa Malacañang ang pagbubukas ng 6 na medical programs.

Iprenisinta ngayong araw ng CHED at Department of Education (DepEd) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa isang sectoral meeting ang kanilang mga plano at mga accomplishments sa nakaraang taon.

“We submitted to the President the accomplishment report of the Commission as far as the first year of administration is concerned,” pahayag ni Prospero de Vera III, Commissioner, CHED.

Anim na medical programs ang binuksan sa loob lamang ng isang taon sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ito ang iniulat De Vera sa press briefing sa Malacañang nitong Martes.

Aniya, ang pagbubukas ng anim na medical schools ay para sa pagsasanay ng mga doktor na maglilingkod sa liblib na lugar sa bansa.

Saad pa ni De Vera, bahagi rin ito ng isinusulong ng komisyon na pataasin ang bilang ng public universities na nag-aalok ng mga medikal na programa.

Kasama sa nabanggit na medical programs ng CHED ang ‘universal access to quality tertiary education’, na nangangahulugan na mayroong dagdag na access sa libreng pampublikong edukasyon sa mahigit 200 pampublikong unibersidad at kolehiyo.

Bukod dito, bahagi rin ng programa ng CHED ay pagpapabuti at gawing world class ang maritime education ng bansa at pagtugon sa kakulangan ng mga nurse.

Karagdagan pa nito ang pagpapalawak ng medical education sa mga mag-aaral na interesadong maglingkod sa bansa; pagpasok sa niche programs partikular sa agham, teknolohiya, engineering at matematika at panghuli ang internationalization ng Philippine higher education.

“So those were the six areas that we discussed with the President. And we identified the verifiable success indicators and data to show that in the first year of the Marcos administration, there was a significant achievement and change in terms of the higher education sector,” dagdag ni De Vera.

Hakbang ng DepEd para mapataas pa ang kalidad ng edukasyon, inilatag kay PBBM

Sa kabilang dako, two-track approach naman ang ginagawa ng Department of Education (DepEd) para mapataas pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ito ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa sa kaparehong briefing.

Kabilang dito ang institusyonalisasyon ng blended learning at pag-hire ng mas madaming guro at pagtayo ng dagdag na paaralan.

Itinutulak ng DepEd ang institutionalization ng blended learning bilang isang permanenteng paraan ng paghahatid ng edukasyon.

Ito’y kasabay rin ng traditional solutions sa pagkuha ng mas maraming guro at pagtatayo ng mas maraming silid-aralan upang matugunan ang mga kakulangan dito.

“Kasi noong pandemya, na-realize natin na puwede pala iyong blended learning, puwede pala iyong online classes. So, we want to use that to be able to decongest our schools. This will effectively and efficiently resolve iyong issues…as to teachers’ shortage and classroom shortage in a quicker span of time,” ayon naman kay Usec. Michael Poa, Spokesperson, DepEd.

Gayunpaman, bago ipatupad ang blended learning, sinabi ni Poa na kailangang tiyakin ng DepEd na epektibo ang programang gagawin upang matiyak ang kalidad ng edukasyon.

Sa pagsasakatuparan ng programa, ani Poa, titingnan ng DepEd ang mga best practices maging sa pribadong sektor upang matiyak na ang blended learning, kapag ito ay ipinatupad, ay hindi makaaapekto sa kalidad ng edukasyon.

Nakikipagtulungan din ang DepEd sa CHED sa pamamagitan ng Teachers Education Council (TEC) para mapabuti ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Samantala, kabilang sa mga iprinesenta ng DepEd kay Pangulong Marcos ang updates sa kurikulum, ang achievements kung saan 28.4 milyong mag-aaral ang pumasok sa paaralan noong Agosto 2022 at ang national learning recovery program.

“We highlighted iyong ating national learning camps that we will be piloting very soon, (on) July 24, which will offer enhancement, consolidation and also intervention camps for our learners during the break. Aside from that, we also focused on what we’ve done in terms of learners’ welfare and teachers’ welfare,” ayon pa kay Poa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter