PATULOY ang dating ng mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na uuwi sa iba’t ibang probinsiya para sa Semana Santa.
Mula nitong Biyernes hanggang Linggo, nakapagtala ang PITX ng higit 350,000 na foot traffic (358,595).
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista inaasahan nila ang mas marami pang pasahero kada araw gaya noong Kapaskuhan.
“Sa ngayon nag-aaverage ito ng 120,000 passengers a day no. But we’re expecting na ito ay aabot ng more than 150,000 or kung mauulit natin ‘yung nangyari noong December, nagkaroon tayo ng pasahero dito na almost 204,000 passengers isang araw,” saad ni Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.
LTFRB, nag-isyu ng higit 1.2-K na special permit para sa mga bus
Sa ngayon ayon sa PITX, wala pang fully booked na mga biyahe.
May mga nakaantabay namang dagdag na units na magagamit kung kakailanganin upang hindi maantala ang biyahe ng mga pasahero.
“Ang ginawa ng LTFRB ay nagbigay kami ng additional na special permit. More than 1,021 special permit yung binigay ng LTFRB. Kung mangangailangan pa ay mayroon kaming special office dito sa PITX,” ayon pa kay Bautista.
Provincial buses, papayagang dumaan sa EDSA ngayong Semana Santa
Nag-deploy naman ng mahigit 2,200 na tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para siguruhin ang maayos na daloy ng trapiko partikular na sa mga terminal.
Kaugnay rito ay inanunsiyo ni MMDA Acting Chairman Romando Artes na papayagan nila ang mga bus na dumaan sa EDSA ngayong Semana Santa.
“Inallow po natin ang mga buses na dumaan po ng EDSA simula po ngayong araw na ito 10:00 pm to 5:00 am. Pero starting 27 po ng March inaallow na po natin sila ng whole day hanggang Linggo po,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Papayagan din ng MMDA ang mga pag-aayos sa mga kalsada ngayong Semana Santa.
Suspendido naman ang number coding scheme sa Huwebes at Biyernes ngayong linggo.
PNP, walang namo-monitor na banta ngayong Semana Santa—DILG
Pagdating sa seguridad, wala namang namo-monitor na banta ang Philippine National Police ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr.
“Wala naman threats no. Huwag kayong mag-alala,” saad ni Sec. Behur Abalos Jr. Department of Interior and Local Government.
“They will attest na wala talagang threats. Huwa kaayong mag-alala. It will be a very safe Semana Santa,” dagdag ni Abalos.
“For the whole country we deployed 52,000. Dito lang sa NCR alone based on the Regional Director, 12,000 police personnel ang naka-deploy sa buong NCRPO,” ayon kay PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief, Philippine National Police.
Mga bibiyahe ngayong Semana Santa, inaalerto vs. travel scams
Inalerto naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga biyahero laban sa iba’t ibang uri ng travel scam gaya ng pagbebenta ng mga pekeng airline o bus ticket.
Ayon kay Sec. Ivan Uy napansin nila na tuwing ganitong mga mahabang holiday, tumataas ang mga bilang ng mga scammer.
“So ni-launch po namin itong Online Bantay Lakbay para maireport ninyo kung mayroon mang attemp namang scam sa inyo lalo na ‘yung mga tinatawag na ‘travel scams’ na inaanyaya kayong bumili kunwari ng ticket online eh ‘yun pala peke,” pahayag ni Sec. Ivan Uy, Department of Information and Communication Technology.
Bukod sa mga nagbebenta ng pekeng ticket online, binalaan din ni Uy ang publiko laban sa mga links na na-aalok ng mga discount at mga online sites na nagbebenta ng pekeng accommodation.
Payo rin ni Uy sa mga bibiyahe na iwasan munang mag-post ng litrato sa socal media patungkol sa pag-alis ng bahay at mawawala ng mataga para magbakasyon.
“Makikita po ng mga magnanakaw na nagpost kayo, ‘yung address niyo, na kung anong panahon na iyan na walang tao sa bahay, at maaring pasukan po kayo. Kung magpo-post po kayo maganda ho nakauwi na kayo at nakabalik na kayo sa tahanan niyo,” ani Uy.