NILINAW mismo ng Philippine National Police (PNP) na wala pang dapat ikabahala ang publiko sa pagdami ng foreign Chinese students sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng media kay PNP PIO Chief Col. Jean Fajardo, may kaukulang dokumento at may legal na basehan ang probinsiya sa pagtanggap sa mga ito na mag-aral sa kanilang lugar.
Sa katunayan anila wala silang nakikitang kaduda-dudang kilos ng mga Tsino sa lalawigan ngunit sakali man anila at may makita silang ilegal, agad nilang ipatutupad ang batas mapa-dayuhan man o lokal.
Nauna nang nakarating sa kaalaman ng PNP at AFP na mga espiya diumano ang mga estudyante sa itinatayong EDCA site ng Amerika sa lalawigan.
Matatandaang personal ding tinututulan ni Cagayan Gov. Mamba ang pagtatayo nito dahil sa takot na posibleng giyera ang kahihinatnan ng EDCA bases at madamay ang mga residente nito.
Ang pagdami ng mga Tsino sa lalawigan ay alinsunod na rin sa imbitasyon ng Commission on Higher Education (CHED).