Pagdating ng mas marami pang bakuna, tiniyak ni Sen. Bong Go

ASAHAN na ang pagdating ng mas marami pang bakuna mula sa China at Russia sa lalong madaling panahon.

Ito ang tiniyak ni Senator Christopher ‘Bong’ Go matapos niyang ibahagi ang pagdating ng mas marami pang bakuna na aabot sa 500,000 Sinovac vaccines mula sa China at inisyal na 20,000 Sputnik vaccines mula naman sa Russia para sa patuloy na vaccination program ng pamahalaan.

“Sa susunod na linggo, inaasahang darating ang 20,000 initial Sputnik vaccine from Russia. Ito po ay pilot logistics run muna dahil meron pang unique requirements for first and second doses. Inaasahang 20 million po isu-supply ng Russia sa atin with first tranche of 500,000 doses this April or May,” pahayag ni Go.

(BASAHIN: 1.5-M dosis ng Sinovac vaccine, darating sa bansa bago matapos ang Abril)

Habang hinihintay pa ang pagdating ng bakuna ay muling nagpaalala ang senador na maging maingat at sumunod sa ipinatutupad na health protocol kontra COVID-19 gayundin ang pagpapabilis sa pagkakaroon ng mas maraming vaccination center.

“Sumunod po tayo sa mga paalala po ng gobyerno at ako naman po, bilang Senate (Health) Committee chair, dapat bilisan na po ang pagkakaroon ng mas maraming vaccination centers upang maiwasan natin ang pagkukumpulan ng tao,” saad ng senador.

Nabanggit din ni Go na nakatakdang makipag-usap si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Russian President Vladimir Putin sa lalong madaling panahon para lalong palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa paglaban sa COVID-19 kasama na ang pagtaas ng suplay ng bakuna.

“Inaasahan na kakausapin din ni Pangulong Duterte ang President ng Russia. Maaaring isa rin ito sa kanilang pag-uusapan,” aniya pa.

Sinabi rin ng senador na inaasahan niya na maabot ng gobyerno ang target na mabakunahan ang halos 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino upang makamit ang kaligtasan sa sakit sa pagtatapos ng taong ito kaya’t huwag umanong matakot sa bakuna dahil ito ang tanging solusyon sa problema.

“Yun po ang importante sa atin ngayon. ‘Wag kayo matakot sa bakuna. Matakot kayo sa COVID-19. Ang bakuna po ang tanging solusyon sa problema natin sa ngayon kaya ‘wag kayo matakot sa bakuna,” panghihikayat ni Go sa publiko.

Hinimok din ni Go ang publiko sa pagkakaroon ng disiplina, kooperasyon at huwag maging matigas ang ulo para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.

“The more po na matitigas ang ulo natin, the more tayong mahihirapan… Kaya mas mabuti pa, cooperate dapat sa gobyerno. Disiplina, social distancing, hugas ng kamay, mask at face shield muna tayo. ‘Yan naman ay napatunayan na 90% maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19,” payo ni Go.

Pagbibigay diin pa ni Go na ang pagsunod sa health protocol ay pagliligtas sa buhay kaya’t kunting tiis muna dahil delikado pa ang panahon hangga’t hindi pa nabakunahan ang lahat.

“‘Wag muna kayo magkumpul-kumpol dahil delikado pa po ang panahon. Habang ‘di pa po nagbabakuna, mag-ingat lalo. Konting tiis muna, mga party-party, next year na ‘yan. Pili kayo, party kayo ngayon pero last party n’yo na,” dagdag ng senador.

SMNI NEWS