TILA nalalagay ngayon sa alanganin ang appointment ni Secretary Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa kanyang kwestyonableng citizenship at libel case.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) Panel on Labor, Employment, Social Welfare, and Migrant Workers ay madaling nasagot ni Sec. Tulfo ang katanungan ng mga CA members sa operasyon ng DSWD.
Ngunit maya-maya ay naungkat din na may kaso pala ang kalihim.
Ito ay matapos kinuwestiyon ni Congressman Rodante Marcoleta si Tulfo ukol sa 4 counts of libel case na hindi naman niya itinanggi.
“Yes Your Honor. I admit that there was a case in line with my work as a journalist, part of the hazards of the trade your honor,” sagot ni Sec. Erwin Tulfo.
Bagamat inamin ni Tulfo na umabot na ang usapin sa kanyang kasong libel sa Korte Suprema ay paalala naman sa kanya ni Marcoleta na nilalagay nito sa alanganin ang pagkakatalaga sa kanya bilang kalihim.
Pero ang pahayag ni Marcoleta ay kinontra naman ni Senador Chiz Escudero.
Ayon sa senador, hindi patas kung gagawing batayan ang nasabing libel case sa magiging kapalaran ng appointment ni Tulfo sa DSWD.
“I would like to state for the record as well that there are pending bills in both House and in the Senate to decriminalize libel. In fact this was discussed by our own DOJ secretary in the United Nations … if that would be taken against him,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Bukod dito ay kinuwestiyon naman ni Caloocan Congressman Oscar Malapitan sa pagdinig ang pagiging enlisted personnel ng US Army ni Tulfo.
“Naging enlisted personnel pala kayo ng US Army mula 1988 hanggang 1992, ang tanong ko lang po ay dinenounce niyo po ba inyong Filipino citizenship?” tanong ni Rep. Oscar Malapitan, CA member.
Matapos ang tanong ni Malapitan ay agad nang hiniling ni Tulfo na magkaroon ng Executive session.
“Umm Your Honor, Mr. Chair, I would like to ask for an Executive session on this matter,” tugon ni Tulfo.
Sa ngayon ay hindi nailahad kung ano ang natalakay sa Executive session pero ang sigurado ay ipinagpaliban ng CA ang appointment ni Tulfo dahil sa isyu ng citizenship at kasong libel.