IPINAHAYAG ni Sen. Grace Poe ang kaniyang pagkabahala hinggil sa diumano’y paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa kampanyang politikal.
Ayon sa senadora, hindi lamang nito binabawasan ang kredibilidad ng ECBS, kundi maaari ding magdulot ng panganib sa seguridad ng publiko kung magagamit ito ng mga hacker upang magpalaganap ng pekeng balita.
“Ang paggamit ng ECBS sa kampanya ay nakababahala at kailangang pigilan. Nilalagay nito sa alanganin ang integridad ng emergency alert system at maaari rin itong gamitin ng masasamang loob para magkalat ng disimpormasyon,” ani Sen. Grace Poe.
Nanawagan din si Poe sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga kompanyang telekomunikasyon na agarang tugunan ang kahinaan ng sistema upang hindi ito patuloy na maabuso. Dagdag pa niya, dapat hanapin at papanagutin ang mga nasa likod ng insidente.
“Hindi kami nanghuhusga, pero umaasa kaming mahihikayat ng mga kandidato ang kanilang mga tagasuporta na mangampanya sa tapat at makatarungang paraan. Lahat tayo ay nagnanais ng malinis at kapani-paniwalang halalan,” pagtatapos ng senadora.