Paggamit sa mga bakuna ng AstraZeneca, sinuspinde na ng DOH

KINATIGAN na ng Department of Health (DOH) ang kahilingan ng Food and Drug Administration (FDA) na suspendihin muna ang pagpapagamit sa bakuna ng AstraZeneca para sa mga may edad 60 pababa.

(BASAHIN: FDA, pansamantalang pinatitigil ang pagbibigay ng AstraZeneca shots)

Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, ginawa nila ang rekomendasyong ito habang naghihintay ng dagdag ebidensya at abiso mula sa mga lokal na eksperto at sa World Health Organization (WHO).

“We asked DOH (Department of Health) na kung meron pa pong natitirang AstraZeneca vaccines siguro ay ‘wag muna nating gamitin sa mga people below 60 years old until we get clearer evidence and guidance from WHO, tsaka sa atin pong mga experts,” ani Domingo.

Napaulat kamakailan lamang na may ilang mga nabakunahan ng AstraZeneca partikular sa Europe ang nagkaroon ng blood clot o pamumuo ng dugo sa utak at bumaba ang platelets.

Samantala, nauna dito ay naglabas ng report ang European medicines agency na nagsabing may kaugnayan sa AstraZeneca ang pamumuo ng dugo sa utak ng mga naturukan ng nasabing bakuna.

Kaugnay nito, sinabi ni Domingo na hihintayin nila ang resulta ng review na isinagawa ng kanilang mga local experts, sa tulong naman ng World Health Organization (WHO).

(BASAHIN: Australia, nakikipag-ugnayan na sa EU at UK dahil sa lokal na AstraZeneca blood clotting incident)

SMNI NEWS