DAPAT pag-igihan ang pagbabantay sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).
Ito ang sinabi ni Pastor Apollo C. Quiboloy nitong Biyernes, Mayo 19 sa programa nitong Powerline.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng paglagda ng Department of Justice (DOJ) at ng Department of Social Welfare & Development (DSWD) ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11930 o ang batas na magbibigay proteksiyon laban sa mga pang-aabuso sa kabataan sa internet.
“Salamat kung mapipirmahan ito at maprotektahan… ang [anti] online sexual abuse and exploitation of children,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, the Kingdom of Jesus Christ.
Ani Pastor Apollo, ang porno ang dahilan kung bakit may mga naabusong bata lalo na at ginagawa itong pagkakitaan.
Dagdag ni Pastor Apollo, ito rin ang dahilan ng pagkasira ng utak ng maraming kabataan.
“Biro mo sa social media ‘yan pinapakita. Kaya itong social media, napakaraming masamang nangyayari diyan.”
“Sana yung ating gobyerno, pati yung pornography.”
“Ang pornography ‘yan ang dahilan ng napakaraming kabataan na nasisira ang utak, nagiging malaswa lahat.”
“Pornography ang pinagkikitaan talaga, lahat ata, babae’t lalaki nandiyan na. Makademonyong pornography na ‘yan.”
“Kaya merong mga child sexual abuse exploitation online ng dahil diyan sa pornography materials na ‘yan,” dagdag ni Pastor Apollo.
Pornography, numero unong dahilan ng pagkasira ng utak ng kabataan
Pagbibigay-diin ni Pastor Apollo, ang pornography ang numero unong dahilan ng pagkasira ng utak ng mga kabataan.
Sa huli, hiling ng butihing Pastor na magkaroon ang bansa ng restriksiyon hinggil sa panonood ng mga malalaswang video.
“Sana magkaroon ang ating bansa ng restrictions na bawal panoorin ang mga ganyan para hindi masira.”
“Hindi lang shabu ang nakakasira sa utak ng kabataan. Itong number 1, pornography. Number 1 yan,” ayon pa kay Pastor ACQ.
Matatandaang batay sa report ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) noong 2017, nangunguna ang Pilipinas sa child pornography at lumala pa ito noong pandemya.
Sa ngayon, umaasa naman si Justice Secretary Crispin Remulla na makikiisa ang publiko na masigurong ligtas ang internet sa mga kabataan.