PAGIGING kumpyansa sa mga naka-detain ang nakikitang pagkukulang ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa hostage taking kay ex-Senator Leila de Lima na naganap sa Camp Crame kamakailan.
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ng senador na dati na ring naging PNP chief, hindi dapat nakakalapit ang high-profile inmates sa pulis na naghahatid ng pagkain para sa kanila.
Sa buong assessment ni Sen. Dela Rosa, nananatili pa rin namang mahigpit ang seguridad sa Camp Crame at wala pang naitala sa kasaysayan na may naka-eskapo dito.
Pinuri din nito ang mabilis na aksyon ng mga pulis dahil hindi lumala ang sitwasyon.
Para naman kay Sen. Dela Rosa hinggil sa pagpapalipat ng detention facility ni De Lima, nananatili aniya itong nakadepende sa court order.
Noong Linggo, October 9 nang tinangkang umiskapo ang tatlong Abu Sayyaf detainees mula sa Camp Crame.
Nang mabaril ang dalawa, minarapat ng isa na ipagpatuloy ang pag-iskapo ngunit wala na itong mahanap na ibang escape route matapos sinarado ng mga pulis ang exit na nasa kanilang plano.
Dahil dito, narating niya ang mini compound ni De Lima sa Camp Crame kung kaya’t ginawa na lang nitong hostage ang senadora.
Nabaril din naman ang Abu Sayyaf member na nang-hostage kay De Lima.