IKINABABAHALA ng OFW Party-list ang kalagayan ng daang-daang Pilipinong mangingisda sa Hawaii, na nagtatrabaho nang walang U.S. employment visa.
Ang pananatili at paghahanap-buhay kasi nila doon ay pinapahintulutan lamang ng US government sa ilalim ng “special arrangement.”
Sa privilege speech, ni OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino noong Lunes ay nagpahayag ito ng pagkabahala sa mga hamon na kinakaharap ng mga mangingisdang Pilipino sa Hawaii.
Aniya, limitado ang paggalaw ng mga ito doon dahil hindi sila maaaring lumabas sa kanilang pinagtatrabahuan sa pantalan maliban na lamang kung masama ang panahon at nanganganib ang kanilang buhay o ‘di kaya nangangailangan ng serbisyong-medikal.
Kumikita lamang sila ng nasa $500 o P25,000 kada buwan.
Ayon sa Konsulado ng Pilipinas sa Hawaii, sa 750 mangingisda na nandoon, humigit-kumulang 65% dito ay mga Pilipino.
Pinangangambahan din ang kawalan ng seguridad sa panunungkulan ng mga Pinoy sa Hawaii dahil sa kawalan ng mga visa sa trabaho.
Kinukuwestiyon din ni Magsino kung ano ang special arrangement na basehan ng mga Pilipinong mangingisda upang manatili at magtrabaho doon sa Hawaii nang wala namang employment visa.
Maaari aniya kasi silang ipa-deport ng US Immigration dahil sa walang US Visa.
Dahil dito iminumungkahi ni Magsino sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na pagtuunan ito ng pansin na maaaring mabigyan ng employment visas ang mga mangingisdang OFWs sa Hawaii sa pamamagitan ng labor agreement ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Tinatayang 500-K OFWs sa Dubai na gamit ang tourist visa, nanganganib sa trafficking, illegal recruitment—OFW Party-list
Tinalakay rin sa privilege speech ni Magsino ang sitwasyon ng mga OFW sa Dubai, kung saan tinatayang 500,000 OFWs ang naiulat na may hawak na tourist visa.
Dumating sila sa Dubai sa pamamagitan ng “third country” bilang mga turista ngunit may intensiyon na maghanap ng trabaho, o maakit ng mga ahensiya na may mga pangako ng trabaho.
Pinangangambahan din ng mambabatas na maaaring agad silang mabiktima ng trafficking, illegal recruitment, at ang panganib na ma-stranded.
Bukod pa rito, tinalakay ni Cong. Magsino ang mga hamon na kinakaharap ng mga batang ipinanganak ng mga OFW sa UAE na hindi kasal na kadalasang nagtatago kahit hanggang sa school-age years at hindi makapag-aral.
Karugtong din nito ay walang pagkakakilanlan kung anong nationality ang anak ng mga OFW.
Binigyang-diin ni Magsino ang pangangailangan para sa mga komprehensibong programa upang matugunan ang kanilang mga pangangailangang pang-edukasyon at legal.
Mismong si Magsino ay nagtungo sa mga nasabing bansa at kabilang din ang mga OFW sa Hong Kong, Malaysia, South Korea, at Indonesia at tumulong sa pagtugon sa mga karaniwang hamon na kanilang nararanasan sa nasabing mga bansa.
Patuloy naman natin kinukuha ang panig ng DMW at DFA sa mga hinaing ng OFW Party-list patungkol sa mga kababayan natin na nasa Hawaii at UAE.