Pagkiling ni PBBM sa US, ‘di makabubuti sa Pilipinas—Sen. Imee Marcos

Pagkiling ni PBBM sa US, ‘di makabubuti sa Pilipinas—Sen. Imee Marcos

IKINABABAHALA ni Sen. Imee Marcos ang pagpabor ng kasalukuyang administrasyon sa US kontra sa China.

Muli niyang pinuna ang ginawa na namang pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Estados Unidos para sa US-Japan-Philippines Trilateral Summit.

Sa isang eksklusibong panayam sa SMNI nitong Biyernes ay naghayag ng pagkabahala ang nakatatandang kapatid ng Pangulo dahil sa maiipit ang Pilipinas sa geopolitical war sa pagitan ng US at China.

Bago pa ang pagtitipon, isang senior U.S. official ang nagpaliwanag sa mga mamamahayag na ang pulong ay direktang tugon sa panghihimasok ng China sa South China Sea at layunin nitong iparating ang “malinaw na” mensahe ng pagkakaisa.

“Itong pagkiling sa isang super power, ika nga ay hindi makabubuti sa Pilipinas. Maiipit tayo sa dalawang dambuhalang bansa. Maliit lang tayo na bansa, hindi tayo dapat sasama sa mga geopolitical games. Itong mga tensiyon nila ay hindi naman tayo kasangkot diyan. Hindi naman tayo, nakikipag-away. Bakit tayo inoobligang pumili?” ayon kay Sen. Imee Marcos, Chairperson, Committee on Foreign Relations.

Pati ang pagiging malapit ni PBBM sa mga Amerikano ay ipinagtataka rin ng senadora.

Matatandaan na bago pa man napili bilang pangulo ng bansa noong halalang 2022, ay lantarang binabatikos ni Marcos Jr. ang aniya’y madalas na pakikialam ng Estados Unidos sa ibang bansa.

Pero nang maupo na itong pangulo, ay makailang beses na itong nagpabalik-balik sa Amerika para pagtibayin ang alyansa nito sa Pilipinas.

Higit pa riyan ay bukambibig na rin ng kasalukyang administrasyon ang tila paghahanda para sa isang digmaan kontra China.

“Nagtataka ako, hindi ‘yan ang stand ang tatay ko. Ang aking ama pareho ni Presidente Duterte, talagang tinataguyod ang independent foreign policy at eto nga parang masyado tayong kumikiling sa Amerikano. ‘Wag tayong magpapagamit, ‘wag tayong kakampi, ‘wag tayong pipili. Wala naman tayong kaaway. Bakit tayo makikipag-away sa China?” dagdag pa ni Sen. Imee.

Para kay Sen. Imee, hindi dapat kinakalaban ang China, lalo na’t ito ang pinakamalaking trade-in partner ng Pilipinas, maliban pa sa kapitbahay lang natin ito.

“Paano tayo kakain, maghahanapbuhay at tuluy-tuloy na mabuhay nang mapayapa kung di tayo makakapag export o import na napakalaki ng kanilang bahagi sa ating ekonomiya,” saad pa ng senadora.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble