NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC) na agarang lutasin ang patuloy na paglobo ng cybersecurity attacks sa publiko sa pamamagitan ng spam messages.
Ayon kay Marcos ito ay dahil hindi pa rin nasusugpo ang mga smisher.
“Paano nasisikwat ng mga ‘smisher’ na yan ang ating mga mobile number? Kailangang masugpo agad ang puno’t dulo n’yan, at lampas na isang buwan ang nakararaan mula nang maireport ang ganitong mga insidente,” saad ng senador.
Ang smishing o sms phishing ay ang ilegal na pagkuha sa mga personal na impormasyon tulad ng password o credit card numbers gamit ang text messages o mobile data apps, sa pamamagitan ng alok na trabaho, mga premyo o diskwento.
Bagamat nagpalabas ang telecommunications companies ng mga abiso kung paano harapin ang ganitong mga ‘spam messages,’ hindi kumbinsido si Marcos na sapat na ito para malutas ang problema.
Aniya dapat makalikha ng isang sistema ang NTC at NPC kasama ang mga telco companies, mga bangko, at online shopping platforms na makakaharang sa spam messages para wala nang makatanggap nito.
Nanawagan rin ang senador na itigil na ang walang ingat na pangungulekta ng mga mobile phone numbers para sa contact tracing, na inililista sa mga nakabuyangyang lang na mga papel bago payagan ang isang tao na makapasok sa mga bangko, mga supermarket at iba pang mga establisyemento.
Nagiging daan aniya kasi ito para malantad ang publiko sa mga scammer.
Isinaad naman ni Senator Joel Villanueva na kailangan ang matibay na batas para tuluyang masugpo ang mga text scams.
Aniya ang ‘no call, no text and no e-mail registration system act,’ ay magtatatag ng sistema para sa mga subscribers na hindi gustong makatanggap ng kung anu-anong promotional o marketing SMS o email.
Kailangan din aniya ng batas na nagbabawal sa mga makinang may automatic dialer o yung may kakayahang magpadala ng maraming mensahe sa iba’t ibang numero ng telepono.