Pagpapagawa ng hiwalay na piitan para sa PDLs na sangkot sa heinous crime, pinamamadali ng DOJ

Pagpapagawa ng hiwalay na piitan para sa PDLs na sangkot sa heinous crime, pinamamadali ng DOJ

INIUTOS ni Justice Secretary Crispin Remulla na pabilisin ang planong paglilipat ng New Bilibid Prison sa mga Regional Prison Facilities at magtayo ng hiwalay na pasilidad para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na nahaharap sa heinous crimes.

Sa inilabas na Department Order No. 208 series of 2024 ay nakasaad na bubuo ng Technical Working Group ang Department of Justice (DOJ) para sa naturang programa na pamumunuan ni Justice Undersecretary Deo Marco kasama sina Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. at iba pang opisyal ng ahensiya.

Imbitado rin bilang external members sa bubuuing technical working group ang mga kinatawan mula sa Department of Public Works and Highways at United Nations Office of Drugs and Crime.

Target na maipatayo ang pasilidad sa mga isla o kaya ay sa military establishment na may tatlong pasilidad para sa high-level offenders na itatayo sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter