HINDI epektibo para kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ang pagpapakalat ng pondo sa ilalim ng fuel subsidy program ng pamahalaan.
Sinabi ito ni Guadiz nang tanungin ito sa hearing ng House Committee on Transportation hinggil sa assessment niya sa programa nitong Marso 7, 2024.
Ibig sabihin aniya, hindi pa nakarating sa lahat ng beneficiaries ang fuel subsidy na dapat nilang matanggap.
Ang LTFRB ang naatasang magbigay ng fuel subsidy para sa PUV drivers at operators; Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa tricycle drivers; habang ang delivery service riders ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Trade and Industry (DTI).
Noong 2023, nasa P1.57-B ang halaga ng subsidiyang naproseso na ayon sa LTFRB at P1.32-B dito ay credited na ng Land Bank.
Mula sa nabanggit na halagang naproseso na bilang subsidiya, ang P1.1-B ay mula sa LTFRB; P154-M mula sa DILG; at P10-M mula sa DICT at DTI.
Sa Department of Budget and Management (DBM), nailabas na nila ang pondo para sa fuel subsidy ng taong 2023 at 2024.