SUPORTADO ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang pagpapalakas ng turismo sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay LMP Vice President for External Affairs Nunungan Mayor Marcos Mamay, iginiit nito ang kahalagahan ng malakas na industriya ng turismo sa alinmang bansa.
Ito’y upang mabigyan ng sapat na trabaho ang mga Pilipino.
Mainam aniya bigyan ng sapat na atensiyon ang pagpapa-usbong ng mga magagandang lugar, tanawin, at atraksiyon na sadyang maipagmamalaki sa buong mundo.
Pero apila lang ng alkalde sa pamahalaan ang paigtingin ang seguridad sa mga lugar na madalas na pinupuntahan ng mga turista para sa kaligtasan ng lahat.
Naniniwala si Mamay na mas mapapabuti ang paglago ng turismo sa bansa kung may sapat at maayos na seguridad sa mga atraksiyon o mga destinasyon sa bansa.
Ito’y magsisilbing tulay para sa tuluy-tuloy na oportunidad para sa mga mamamayang Pilipino.
Sa kabilang banda, naniniwala ang Employees Confederation of the Philippines (ECOP) na nakatutulong ang mga pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., sa ibang bansa.
Paraan ito para maibaba ang unemployment rate sa Pilipinas.
Naniniwala ang grupo na may malaking ambag sa pagkakaroon ng maraming trabaho ang tuluy-tuloy na pagbubukas ng turismo, manufacturing, at konstruksiyon.
Sa kanyang programang Spotlight, nagbigay rin ng payo si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pamahalaan kaugnay sa pagpapalakas ng trabaho sa bansa sa pamamagitan ng turismo.
Giit pa ni Pastor Apollo, napatunayan na aniya ito sa iba’t ibang mga bansa na matagumpay at maunlad sa kani-kanilang ekonomiya bunsod ng malakas na industriya ng turismo sa kanilang lugar.