Pagpapalawak ng number coding, pinag-aaralan na ng MMDA

Pagpapalawak ng number coding, pinag-aaralan na ng MMDA

PINAGHAHANDAAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibleng pagbigat sa daloy ng trapiko sa Metro Manila pagpasok ng mas maluwag na COVID-19 restriction o alert level sa buwan ng Marso.

Inaasahan na mas dadami pa ang lalabas na mga sasakyan at pasahero sa pagluwag ng restriksyon sa NCR sa susunod na buwan  kaya pinag-aaralan na ng MMDA ang pagpapalawak ng number coding scheme.

Aarangakada na ang lahat ng aktibidad ng ekonomiya nang walang limitasyon sa edad at bilang ng mga tao sa National Capital Region (NCR) simula ngayong Marso.

Ito ay matapos inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsasailalim sa NCR sa Alert Level 1.

Ibig sabihin papayagan na rin ang intrazonal at interzonal travel ng mga tao anuman ang edad o kahit may comorbidity.

Dahil dito inaasahan ng MMDA na mas sisikip ang daloy ng trapiko sa NCR.

Batay sa datos, nasa 384,000 na mga sasakyan ang bumibiyahe sa EDSA kada araw ngayong buwan.

Kaya aasahan na mas darami pa ito pagpasok ng mas maluwag na COVID restriction.

Kaya ang MMDA hinahanda na nila ang mga alternatibong ruta para sa mga motorista.

Pinag-aaralan na rin ang pagpapalawak sa number coding scheme sa Kalakhang Maynila.

Pero titingnan muna ng MMDA ang volume ng sasakayan bago magdesisyon ukol dito.

Sa ngayon, epektibo lang ang number coding tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.

 

Follow SMNI News on Twitter