Pagpapalawig sa P250 SRP sa sibuyas, pag-aaralan ng DA

Pagpapalawig sa P250 SRP sa sibuyas, pag-aaralan ng DA

TULUY-tuloy na umaaksyon ang Department of Agriculture (DA) kaugnay sa lumulubong presyo ng sibuyas sa pamilihan.

Kasunod ito sa pagsipa sa presyo ng sibuyas na umabot pa sa higit P700 ang kada kilo.

Isa sa pansamantalang solusyon na ginawa ng ahensya ay ang paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa sibuyas.

Pero, batay kasi sa naunang Administrative Circular No. 12, epektibo lamang ang SRP na P250 kada kilo hanggang sa linggong ito.

Paliwanag ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Kristine Evangelista, nakatakdang muling makipagpulong ang DA sa mga stakeholder sa susunod na linggo para talakayin kung kailangan pang palawigin ang naturang SRP.

Tiniyak naman ng DA na agad nilang ilalabas ang pinal na desisyon sa oras matapos ang nasabing pagpupulong ukol sa presyo ng sibuyas.

Ipinunto pa ng opisyal, inaasahang tataas pa ang suplay ng sibuyas gayong pumapasok na ang anihan sa Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan.

DA, planong maglaan ng dagdag na cold storage facilities ngayong 2023

Bago rito, plano ng DA na maglaan ng dagdag na cold storage facilities para sa mga magsasaka ngayong taon.

Ani ASec. Kristine Evangelista, nakapaloob na ang pondo para sa cold storage facilities sa naaprubahang budget ng DA sa ilalim ng 2023 budget.

Aniya, kadalasang hindi nagkakaroon ng access ang mga magsasaka sa private cold storage facilities dahil napupunta na ito sa traders.

Sinabi pa ni Evangelista na inirereklamo namang nagtatago ng mga produktong pang-agrikultural tuwing anihan ang mga trader at inilalabas ito kapag nagtaas na ang presyo.

Para kay Asec. Evangelista, mahalaga ang pagdagdag ng cold storage facilities para matulungan ang mga magsasaka na mapahaba ang shelf life ng kanilang inaani.

At para masiguro din na hindi na kakapusin ng suplay at mananatiling stable ang presyo ng mga commodity sa merkado.

P80-P90 kada kilo ng sibuyas, posible sa buwan ng Marso at Abril

Kaugnay nito, inaasahan naman na mas bababa pa ang presyo ng lokal na pula at puting sibuyas sa kasalukuyang presyo na P170 sa Kadiwa stores ng DA sa mga susunod na buwan.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DA sa mga market masters at mga tindera sa palengke na hirap na maibaba sa itinakdang SRP ang ibinibentang sibuyas.

Layunin ng DA na mahanapan ng mga kooperatibang magsusuplay sa kanila ng mas murang sibuyas.

Sinabi pa ni Asec. Kristine Evangelista, bagamat may ilang palengke na ang nagbaba ng paninda ng sibuyas hanggang P470 kada kilo, hindi pa rin nakakasunod ang mga ito sa SRP dahil mataas pa rin ang kuha sa supplier.

Follow SMNI NEWS in Twitter