ISINAGAWA ng ilang mga mangingisda sa pangunguna ni retired General Sonny Versoza ang isang kilos-protesta bilang pagtutol sa ipinagawang seawall sa Lingayen Gulf Beach Baywalk.
Sa panayam ng SMNI News kay former Gen. Sonny Versoza, inihayag nito na sayang lang ang pera ng taumbayan sa pagpapatayo ng seawall sa Lingayen Gulf Baywalk dahil mawawasak lamang ito ng kalamidad dahil ‘di naman aniya ito ganoon katibay.
Aniya, tuwing nagkakaroon ng bagyo sa Lingayen, lumalakas ang alon ngunit pagkatapos ay bumalik lamang naman ito sa kaniyang natural na ganda.
“Pero alam niyo, dito na ako pinanganak, dito na ako lumaki, eh wala akong alam na naging sakuna dito sa dagat namin. Kaya, palagay ko, kung seawall ‘yan, gaya ng nakikita natin ngayon, hindi nila kailangan ‘yan eh. At isa pa, kung ilalagay niyo ‘yan diyan, alam naming ‘yung galaw ng aming dagat, lulubog lang ‘yan, mawawasak lang din. So, useless din. So kumbaga, ang iniisip nila eh, proteksyon. Pero kung ganyan lang naman na klase na imprastraktura, palagay ko hindi tatagal ‘yan, sayang lang ang pera,” Ayon kay Retired Gen. Sonny Versoza.
Diin nito, wala itong maitutulong sa komunidad at wala ring economic benefit kahit ginastusan ito ng gobyerno.
Paliwanag nito, may pag-aaral din pagkatapos ng tsunami sa Japan na lumakas ang energy ng tidal wave dahil sa man-made defense system.
“So, may study na noon, after ng tsunami ng Japan, nagkaroon ng study ‘yan, nabasa ko sa article na ang na-find out nila na lumakas ang energy ng tidal wave dahil doon sa man-made defense system na semento, tumalbog. So, nag-replicate ‘yung energy noong tidal wave. Unlike dito, marunong si God eh, bakit dito sa amin, very fine sand. Tapos ang lalim niyan, 300 feet, bago ma-reach ah, ‘yung hard surface. So marunong, mag-design si God,” dagdag ni Versoza.
Ayon pa kay Versoza, dapat may stand dito ang Department of Environment of Natural Resources (DENR) at dapat alam ng taumbayan ang presyo ng proyektong ito.
Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang isang residente at may-ari ng bangka sa isinagawang seawall sa Lingayen Gulf.
Ayon kay Aling Alicia, wala na silang paglalagyan ng mga bangka kung magkakaroon ng bagyo dahil sa seawall.
“Hindi makakaroon po ‘yan kasi parang pinapahirapan kami sa hanapbuhay. Kagaya ng tayo ko, wala na kami, maliit na lang ‘yan, maghihilaan na kalukor. Eh, ‘yung mga kasamahan namin, nahihirapan na kasi baliktad, dapat sana mahaba. Eh, ngayon lumiit, kasi kung malaki ‘di sila mahihirapan, masira,” ayon kay Aling Alicia, Residente.
“Parang kami ngayon, ‘yang ginawa nila wala na kaming paghihilaan hindi naman puwedi sa tubig kami maghila kasi hindi kami makapuwersa kaya malaki ang epekto niyan samin sir,” ayon sa isang residente.
“Si Sir Versoza, inimbitahan nya kami dito para masabi namin ang aming saloobin sa gagawin nilang proyekto na ‘yan na makakahadlang sa aming mga mangingisda,” dagdag ng isang residente.
Saad naman ng isang residente ng Binmaley na si retired Philippine Army Master Sergeant Mario Operania, hindi ito ang tamang solusyon sa problema.
“No, not necessarily, because the solution is hakutin ‘yung sand tapos ilagay doon sa mababang lugar, mababang barangay na nababaha. Hindi ‘yung lalagyan mo ng….tuluy-tuloy ‘yan, palapad nang palapad. Palapad nang palapad ‘yan para reclamation, parang reclamation. Parang ‘yung nangyari doon sa Maynila,” ayon kay Ret. Philippine Army Master Sergeant Mario Operania.
Naniniwala ang retired master sergeant na dapat ang pondo nito ay ginamit na lang sa mga mahihirap at hindi sa harang.
Sa kabila nito, ang intensiyon ng gobyerno sa pagpapagawa nito ay sinasabing proteksiyon sa storm surge.
Kamakailan lang ay nagsagawa ng inspeksiyon ang provincial government at si 2nd District Rep. Mark Cojuangco sa nasabing proyekto.
Anila, tinitiyak nila ang tamang taas nito upang hindi matakpan ang view ng Lingayen Gulf.
Nakasaad sa official Facebook page ni Cong. Cojuangco na mahalaga ang proyekto para sa kaligtasan ng mga residente ng 2nd district.
Ngunit ayon naman kay former General Versoza, hindi na ito kailangan dahil mas maganda aniya ang disenyo ng Diyos sa kalikasan.
Bukod dito, isinusulong din nila ang pagkakaroon ng mas detalyadong impormasyon patungkol sa proyektong ito.