INAASAHAN na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na lalo pang sisikip ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila sa pagbubukas ng klase ngayong buwan.
Tila balik na sa normal ang sitwasyon ngayon sa EDSA lalo na tuwing rush hour.
At sa nakatakdang pagbabalik ng face to face classes sa Agosto 22, asahan rin ang lalo pang pagsikip sa daloy ng trapiko.
Ayon sa MMDA, posibleng madagdagan ng 13% ang bilang ng mga sasakyan sa EDSA sa pag-uumpisa ng pasukan.
Ibig sabihin, mula sa kasalukuyang 380,000 na sasakyan na dumadaan sa EDSA, posibleng dadami ito sa 436,000.
Ito ay dahil na rin sa pagdami ng mga pasahero.
Batay sa huling datos ng DepEd, pumapangatlo ang Metro Manila sa may pinakamaraming nagpa-enroll.
Kaya solusyon ng mga Metro Manila mayors laban sa nakaambang trapik, palawigin pa ang kasalukuyang number coding scheme.
Batay sa inilabas na MMDA Resolution, magsisimula ang bagong number coding sa August 15 mula 7 am-10am at 5pm-8pm.
Sa naturang bagong number coding scheme, exempted ang public utility vehicles kabilang ang tricycle, transport network vehicle services, marked government vehicles, marked media vehicles at emergency vehicles.
Nakipag-ugnayan na ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr) upang madagdagan ng bus ang EDSA Bus Carousel at train sets sa LRT at MRT-3 bilang paghahanda sa pagdami ng mga pasahero.
Magpapadala ng traffic enforcers ang ahensiya para magmando ng trapiko sa darating na pasukan.
Ang ilang motorista suportado ang pagpapalawig ng number coding scheme.